Handa umanong pangunahan ni Sen. Alan Peter Cayetano ang pagbibitiw sa puwesto bilang senador kung makatitiyak siyang susundan siya ng lahat ng kaniyang mga kasamahan.
Ito ay kaugnay sa iminungkahi niyang “snap election” kamakailan para sa lahat ng opisyal sa pamahalaan.
Ayon sa press conference na isinagawa ni Cayetano nitong Miyerkules, Oktubre 8, 2025, sinabi niyang wala umanong problema kung pinangunahan niya ang pagbibitiw sa puwesto bilang senador.
“Pangungunahan ko. Payag akong mauna. No problem do’n,” panimula ni Cayetano.
Ngunit nilinaw niyang gagawin niya ito kung makatitiyak umano siya na hindi lang siya ang mag-isang magsasakripisyo ng katungkulan sa politika.
“No. Mauna means lahat kami. Walang nagsasabing ikaw mag-isa. Kung mag-isa ako, hindi mangyayari ‘yon. Ang ano [pokus] natin, national renewal, ‘di ba?” saad ni Cayetano.
“So kung sinabi nating korap ‘yong national media, lahat tayo mag-resign. May mauuna talaga pero sasabay lahat. ‘Pag isa lang ang nag-resign, walang mangyayari. Ang sinasabi ko, mag-sacrifice tayo, hindi mag-suicide. Gusto nila, ako lang mag-isa? No problem na ‘yon ang gusto niyo pero it will not solved the problem,” paglilinaw pa ng senador.
Pagpapatuloy ni Cayetano, magkakaroon umano ng bagong pag-asa ang bansa kung gagawin nila ang pagbibitiw sa puwesto bilang isang grupo.
“The problem will have new hope if we do it all as a group. Kung gusto niyong mauna ako, basta’t may assurance akong susunod kayo,” ‘ika pa niya.
Ani Cayetano, alam mismo niya na mahirap ang iminungkahi niyang paraan ng pagbabago sa bansa pero hindi umano iyon imposible.
“Suntok sa buwan naman itong proposal na ‘to but you’ll never know, minsan tinatamaan ang buwan,” paggigiit niya.
“Kasi kung hindi, ano’ng alternatives, kudeta, people power? Hopefully, hindi tayo umabot do’n. But people talk about some kind of revolution, I want to talk about transformation and revival instead of people power ang revolution[...]” pagtatapos pa ng senador.
Matatandaang ibinahagi ni Cayetano ang kaniyang mga napagnilayan noong Oktubre 5, 2025, sa kaniyang Facebook post.
“While We See In Social Media (And Surveys) That Politicians And Politcal Figures Have Their Own Group Of Genuine Supporters: I Dare Say, Now More Than Ever In Our History, Politicians Are Suspects!” mababasa sa kaniyang post.
Dahil dito, naisip daw ni Cayetano, na paano kung magkaroon ng tinatawag na "snap elections" mula sa lahat ng elected officials sa pamahalaan, mula sa Presidente hanggang sa Kongreso.
“People have lost trust in government and government officials. Honestly, who can blame them? So here’s a thought: WHAT IF we all just resign and allow a Snap Election. From The President, Vice President, Senate, and Congress. With One Important Addition - No Incumbent From The Above Can Run For 1 Election Cycle,” aniya.
MAKI-BALITA: 'What if we all just resign and allow a Snap Election'—Sen. Alan Peter Cayetano
Kasunod nito, matatandaang nagbigay din ng paglilinaw si Cayetano kaugnay sa umano’y nasabing panawagan niyang “snap election.”
Sa Facebook post ni Cayetano noong Lunes, Oktubre 6, 2025, sinabi ni niyang hindi umano niya trabahong diktahan ang dapat gawin ng sinoman.
“It’s not my job nor my intention to tell anyone what to do, to tell anyone to resign, to tell the President, the VP, Senators and Congressmen and Women to resign,” saad ni Cayetano.
Dagdag pa niya, “My duty is to reflect on the problems our nation faces. Discern, Pray, Then Articulate Ideas.”
MAKI-BALITA: Cayetano, 'di intensyong manawagang magbitiw ang mga halal na opisyal
Mc Vincent Mirabuna/Balita