December 13, 2025

Home BALITA National

Palasyo, sinagot panawagan ng ilang kongresista na palakasin kapangyarihan ng ICI

Palasyo, sinagot panawagan ng ilang kongresista na palakasin kapangyarihan ng ICI
Photo courtesy: RTVM/YT, contributed photo


Nagsalita na ang Malacañang hinggil sa agarang pagpapatibay at pagpapalakas ng kapangyarihan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), na siyang naatasang imbestigahan ang mga umano’y anomalya at iregularidad sa  ilang mga flood control projects sa bansa.

Ibinahagi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Oktubre 8, ang naging pahayag ng Palasyo ukol dito.

“Unang-una po, dapat po siguro makita muna ‘yong pinakadetalye, para po mapag-aralan ito, at kung kinakailangan mag-isyu po ng Certificate for Urgency, ‘yan po ay gagawin ng Pangulo kung matapos po niyang mabasa kung ano po ang gagawing bill,” ani Usec. Castro.

Nang matanong sa reaksiyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. hinggil sa hiling umano ng isang ICI member na mag-”resign” dahil sa kakulangan ng awtoridad ng panel, tahasang idiniin ni Usec. Castro na “indepedent” ang nasabing komisyon.

“Unang-una po, ang ICI po ay independent commission; at sa ating pagkakarinig, ito po ay na-deny na po at itinatwa na po ng spokesperson ng ICI. So, mananatili po silang miyembro at mananatili po silang magtrabaho para po sa mas malalimang pag-iimbestiga sa mga maanomalyang flood control projects at mga infrastructure,” aniya.

Matatandaang pinabibilisan ni Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Atty. Leila de Lima ang agarang pagpasa sa House Bill 4453, na siya umanong mas magbibigay ng “ngipin” sa ICI, kaugnay sa imbestigasyon nito sa mga flood control projects sa bansa.

“Sa lawak ng sabwatan sa mga maanomalyang flood control projects, dapat tapatan ito ng mas malakas at may ngipin na independent commission para panagutin ang mga buwaya sa gobyerno at pahirap sa mga Pilipino,” aniya.

MAKI-BALITA: De Lima, pinabibilisan pagsasabatas ng HB 4453 laban sa umano'y 'biggest corruption scandal in our history'-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA