Ipinagdarasal na raw ni Sen. Pia Cayetano ang pagkosindera sa kaniyang pangalan para umupong senate Blue Ribbon Committee Chairman.
Sa panayam sa kaniya ng media nitong Miyerkules, Oktubre 8, 2025, aminado ang senadora na hindi raw madaling umoo sa mga ganoong klaseng posisyon sa Senado.
“Hindi madaling umoo sa mga ganiyang bagong posisyon. Because my name was mentioned, edi it's my job to consider it, 24 lang naman kami and then lima lang naman kaming abogado so, gustuhin ko man o hindi, it’s my job to consider it,” ani Cayetano.
Saad pa ng senadora, may tiwala rin daw siya sa kaniyang sarili na kaya niyang hawakan ang Blue Ribbon Committee.
“Wala akong doubt that I can do a good job, with all humility naman, but I really want the best person for the job to handle this kasi this is a defining moment for the Filipino people,” anang senadora.
Kaugnay nito, mariin naman niyang binigyang-diin na ipagdadasal umano niya ang nasabing posisyong inilalako rin sa kaniya.
“Actually marami akong sinabihan na ‘I’ll pray,’ kasi maraming nagtatanong. Sabi ko ‘Pag-pray n’yo ko,” saad ni Cayetano.
Matatandaang noong 2024 nang minsan na ring maibigay sa liderato ni Cayetano ang Blue Ribbon Committee kung sana kinilala siya bilang kanuna-unahang babaeng naging Chairman ng nasabing komite.
Kaugnay nito, kabilang din sina Sen. JV Ejercito, Sen. Raffy Tulfo, Sen. Francis Pangilinan at Sen. Risa Hontiveros, sa mga pangalawang lumutang bilang susunod na Chairman ng Blue Ribbon.
KAUGNAY NA BALITA: SP Sotto, pinangalanan mga senador na puwede maging Senate blue ribbon committee chair
Sa kasalukuyan, si Sen. Erwin Tulfo ang tumatayong acting Chairman ng naturang komite.
Matatandaang nag-resign kamakailan bilang chairman ng Senate blue ribbon committee si Lacson dahil umano sa kaniyang mga kapwa senador.
"Kung nagkukulang na ng pagtitiwala ang aking kasamahan, especially kung mas marami sa kanila, hindi na masaya sa pagha-handle sa akin sa blue ribbon, naisip ko na maybe stepping down is an option," ani Lacson.