Usap-usapan ng mga netizen ang komento ng ina ni Kapuso star at Global Fashion icon Heart Evangelista, na si Cecilia Ongpauco, sa latest Instagram post ng anak.
Ibinahagi kasi ni Heart ang mga larawan niya habang nasa loob ng isang bath tub, at flinex pa ang isa sa mga alagang pet dog.
Mababasa sa comment section ng post ang reaksiyon ng ina ni Heart.
"Now that's the Lady I raised!" aniya.
Sumagot naman dito si Heart at nagpasalamat sa kaniya.
"love you mom, thank you for everything," aniya pa.
Noong Setyembre, naging usap-usapan din ang pag-flex ni Heart sa mga larawan ng ina na tila may makahulugang caption matapos magpa-backup sa kaniya.
"Called for back up. Mom to the rescue," ani Heart.
Hindi ipinaliwanag ni Heart kung saan o kanino siya nagpapa-back up, at bakit to the rescue agad sa kaniya ang Mommy Cecilia niya.
Kalakip naman ng Instagram post ang mga larawan ni Cecilia na talaga namang glamarosang tingnan sa suot na pulang outfit, may mga burloloy, with matching eye glasses pa.
Pinuri ng mga netizen ang taglay na ganda ng momshie ni Heart, kung saan daw siya nagmana.
KAUGNAY NA BALITA: Heart Evangelista, nagpa-back up sa ermat: 'Mom to the rescue!'
Pero ang ilang mga netizen, naintriga sa caption ni Heart at naugnay ito sa kasalukuyang kontrobersiyang kinasasangkutan ng mister niyang si dating Senate President Chiz Escudero, matapos mabanggit at makaladkad ang pangalan sa maanomalyang flood control projects kamakailan, sa isinagawang Senate Blue Ribbon Committee hearing noong Setyembre 25.
Hindi kasi maiwasang madamay sa isyu si Heart, kung saan, kinuwestyon na tuloy ng mga netizen ang pag-flex niya ng luxury brands na binibili niya't ginagamit sa mga fashion ganap.
Sa isinagawang live kamakailan, sinagot ni Heart ang mga kumukuwestyon sa kaniyang marangyang pamumuhay, at ipinagdiinang hindi galing sa buwis ng taumbayan ang mga pinambibili niya sa mga mamahaling gamit.
Samantala, nauna nang pinabulaanan ni Sen. Chiz ang pagkakadawit sa kaniya sa nabanggit na flood control project, matapos siyang banggitin sa sinumpaang salaysay ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo.
"I vehemently deny the malicious allegations and innuendos made by former DPWH Usec. Roberto Bernardo in today’s Senate Blue Ribbon Committee. By his own admission, he never had any contact with me directly regarding this matter. I will prove that he is lying about my alleged involvement," aniya.
Giit pa ni Escudero, "It seems like there is a well-orchestrated plan to attack the Senate and its members to destroy and discredit the institution and to divert the public’s attention from the real perpetrators."
KAUGNAY NA BALITA: 'I vehemently deny!' Sen. Escudero, never nagkaroon ng contact kay Bernardo
Batay naman sa latest, kasama ang pangalan ni Escudero sa mga indibidwal na hiniling ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Department of Justice (DOJ) na isyuhan ng Immigration lookout bulletin order para hindi makalabas ng bansa, sa patuloy na imbestigasyon ng maanomalyang flood control projects.
KAUGNAY NA BALITA: ICI hiniling sa DOJ na maglabas ng lookout bulletin order sa ilang senador, solon, at iba pa