Patay ang isang 38 taong gulang na lalaki matapos siyang pagsasaksakin ng ka-live in partner ng babaeng kinatalik umano niya sa palikuran ng kanilang kapitbahay sa Bayambang, Pangasinan.
Ayon sa mga ulat, nahuli umano sa akto ng 38-anyos na suspek ang ginagawang milagro ng kaniyang ka-live in partner at ng biktima, na agad niyang kinompronta.
Matapos ang komprontasyon, doon na raw inundayan ng saksak ng suspek ang biktima. Sinubukan pang itakbo sa ospital ang biktima ngunit idineklara na siyang dead on arrival.
Samantala, nakalaboso naman ng mga awtoridad ang suspek na sinubukan pang magtago matapos mangyari ang krimen. Narekober sa kaniya ang kutsilyong ginamit sa pananaksak.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na nahaharap sa kaukulang kaso.