Nanawagan ang Iglesia ni Cristo (INC) na buksan sa publiko ang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
Sa isang episode ng “Sa Ganang Mamamayan” noong Martes, Oktubre 7, sinabi ni INC Executive Minister Eduardo Manalo sa pamamagitan ni INC Spokesperson Bro. Edwil D. Zabala na hindi umano makakatulong ang palihim na pag-iimbestiga ng komisyon.
“Ano pa’t ano man ang maging resulta nito ay posibleng hindi maging katanggap-tanggap sa mga mamamayan at makadagdag lamang sa nagaganap na kaguluhan at kawalang-katiyakan,” mababasa sa pahayag.
Dagdag pa rito, “Kailangan bukas at masaksihan ng samabayanan ang mga pagdinig sa isinasagawang imbestigasyon. Naniniwala kami na para magkaroon ng kapayapaan kailangan patuloy na imbestigahan ang malawakang katiwaliang iyon at isagawa nang may transparency at walang kinikilangan o pinagtatakpan.”
Matatandaang nauna nang sinabi ni ICI executive director Brian Keith Hosaka na hindi raw nila isasapubliko ang pagdinig kaugnay sa nasabing isyu upang maiwasan ang “trial by publicity” at anomang impluwensyang pampolitika.
MAKI-BALITA: 'Ekis sa livestream?' ICI, 'di isasapubliko mga pagdinig sa flood control projects
Samantala, naghayag din ng mahigpit na pagtutol ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa anomang tangka na pigilan o ipagpaliban ang nasabing imbestigasyon sa pamamagitan ng “backroom deals,” “leadership takeovers,” o “selective justice.”
Maki-Balita: CBCP, umapela sa mga opisyal na katigan ang integridad sa imbestigasyon ng flood control projects