Inihayag ni Independent Commission for Infrastructure (ICI) Executive Director Brian Hosaka na mananatili pa ring pribado ang mga pagdinig sa isyu ng flood control projects.
Sa kaniyang pagharap sa media nitong Miyerkules, Oktubre 8, 2025, muli niyang iginiit na iniiwasan umano ng komisyon na magamit daw sa personal na interes ang pagsasapubliko ng pagdinig ng ICI.
“We’re trying to prevent the Commission from being weaponized by any individuals. We don’t even know if their statements are true, or probably said to confuse the Commission and even the public. So we have to be careful with that,” ani Hosaka.
Dagdag pa niya, hindi rin umano nakatitiyak kung totoo raw ang lahat ng sinasabi ng mga indibidwal na kanilang iniimbestigahan o iniimbitahan sa kanilang pagdinig.
“Kailangan mag-ingat kami. Dahil hindi naman lahat ng sasabihin diyan ay tatanggapin natin na katotohanan. Kung ‘yan ay delikado, kasi mami-mislead ang publiko. Matatanggap agad nila na ang sinabi ng tao na ‘to na hindi naman tayo sigurado sa kanilang karakter, sa kanilang background, kung talaga sila’y nagsasabi ng totoo,” saad ni Hosaka.
Giit pa niya, “Baka nga naliligaw lang nila ang imbestigasyon ng ICI at the same time, baka maligaw din ang publiko.”
Matatandaang ilang indibidwal at organisasyon na ang nanawagan sa ICI na oras na umanong isapubliko ang kanilang mga pagdinig sa naturang maanomalyang proyekto.
Sa X post ni Seb. Kiko Pangilinan nitong Miyerkules, Oktubre 8, nakiusap siya sa komisyon na huwag subukin ang pasensya ng taumbayan sa pagtanggi nilang isapubliko ang imbestigasyon.
Aniya. “Please do not test the people’s patience with this misplaced refusal to open to your proceedings to public scrutiny.”
“You underestimate the brewing anger of the public by ignoring or disregarding this basic constitutional right to information of the people on matters of public concern,” wika ng senador.
KAUGNAY NA BALITA: Pangilinan sa ICI: 'Please do not test people's patience'
Sa isang episode ng “Sa Ganang Mamamayan” noong Martes, Oktubre 7, sinabi ni INC Executive Minister Eduardo Manalo sa pamamagitan ni INC Spokesperson Bro. Edwil D. Zabala na hindi umano makakatulong ang palihim na pag-iimbestiga ng komisyon.