Nilinaw ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi umano nila tinigil ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee hinggil sa maanomalyang flood control projects.
Sa panayam ng media kay Sotto nitong Miyerkules, Oktubre 8, 2025, iginiit niyang mas inuna lang daw muna nila ang budget hearing na nalalapit na umano ang deadline.
“As far as we’re concern, hindi naman kami tumigil eh. Kaya lang mayroon ngang ika nga’y budget hearing we are nearing the deadline so hindi ganon kadali ‘yon,” ani Sotto.
Saad pa ni Sotto, patuloy din daw ang pakikipag-ugnayan ng Senado sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
“Hindi naman mawawala yung mga hearing na ‘yon. Hindi rin mawawala yung submissions sa ICI. As a matter of fact I’m holding a letter with the ICI dahil may mga hinihiling sa amin. And I will personally go there and clarify kung ano yung mga hinihingi nila,” anang Senate President.
Matatandaang kamakailan lang nang tuluyang suspendihin ng Blue Ribbon Committee ang kanilang pagdinig sa maanomalyang flood control projects.
Sa pamamagitan ng text message sa media noong Sabado, Oktubre 4, 2025, iginiit ni Sotto na kinausap umano siya ni Sen. Win Gatchalian para sa naturang suspensyon.
Kaugnay nito, kinumpirma din niya ang pagpapatuloy ng legislative proposals sa pamamagitan ng executive sessions.
“Once we agree on the proposals, we will put it on the floor,” ani Sotto.
KAUGNAY NA BALITA: Senado, pansamantalang sinuspinde pagdinig sa isyu ng flood control projects
Nasundan naman ito ng pagbibitiw ni dating Blue Ribbon Committee Chairman Senate President Pro Tempore Ping Lacson.
“Dahil sa mga naririnig ko na pahiwatig ng aking mga kasamahan eh isa sa mga konsiderasyon ko, mag-move o mag-submit na lang ng aking resignation bilang chairperson at humanap sila ng ibang puwede mag-chairman ng Blue Ribbon committee," ani Lacson sa isang panayam.
KAUGNAY NA BALITA: 'Maybe stepping down is an option!' sey ni Lacson, sa pagiging Blue Ribbon Chair niya