Nagbabala si Sen. Sherwin Gatchalian nitong Miyerkules, Oktubre 8, 2025, matapos matuklasan na umano’y nagbigay ang Department of Agriculture (DA) ng P293 milyon na ayuda sa libo-libong “pekeng” at maging sa mga pumanaw na magsasaka sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) program.
Ayon kay Gatchalian, na chairperson ng Senate finance committee, ipinapakita ng naturang pagkukulang ang matagal nang kabiguan ng pamahalaan na linisin ang talaan ng mga lehitimong magsasaka at mangingisda.
“Importante kasi ang registry. We’re giving subsidies for fuel, fertilizer, seedlings, conditional cash transfers, crop insurance. Marami tayong binibigay. Pero kung nagbibigay tayo sa patay, it’s a waste of money,” ani Gatchalian.
Batay sa ulat ng Commission on Audit (COA), binigyang-diin ni Gatchalian ang malaking diperensya sa pagitan ng Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at ng datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa senador, umabot sa 13.5 milyon ang nakatalang magsasaka at mangingisda sa RSBSA noong 2022, samantalang 7.4 milyon lamang ang naitala ng PSA.
“So mayroong about 6 million na mga registered, supposedly farmers and fisher folks sa registry ninyo na hindi tunay,” saad ni Gatchalian.
Tinuligsa rin ni Gatchalian ang mungkahing maaari pang mabawi ng pamahalaan ang maling naipamigay na pondo.“I don’t buy that idea na kokolektahin natin. Imposible na ’yan dito sa bansa natin. Kung anong binigay ninyo, hindi niyo na mababawi. Imposible na ’yan,” anang senador.
Binigyang-diin ng senador na dapat agad na i-update at beripikahin ng RSBSA ang kanilang talaan, kung hindi ay maaaring bawiin sa kanila ang kapangyarihang mamahala ng mga subsidiya sa agrikultura.
Aniya, “Ang suggestion ko, mag-coordinate kayo with PSA kasi mayroon ng 93 million registered sa national ID. Itong national ID natin may birthday, mayroon biometrics, may address. So, in other words, malalaman mo kung patay pa siya o buhay siya.”