Naniniwala si Senador Lito Lapid na dapat manatili si Senate President Pro tempore Panfilo “Ping” Lacson bilang chairman ng makapangyarihang Senate Blue Ribbon Committee matapos nitong magbitiw sa puwesto kamakailan.
Sa panayam ng media nitong Martes, Oktubre 7, tinanong si Lapid kung nasisiyahan ba siya sa pamumuno ni Senate President Tito Sotto III. Agad niyang tugon, “Oo naman, tagal na naming magkasama niyan mula no’ng 2004. Kasama ko na ’yan, siya pang-5th term na dito sa Senado, ako ay 4th term na rin bilang senador. Tuloy-tuloy rin kami sa pagseserbisyo sa ating mga kababayan at leadership dito sa Senado.”
KAUGNAY NA BALITA: 'Oo naman, tagal na naming magkasama niyan!' Lapid, satisfied kay Sotto bilang SP
Natanong din ang senador hinggil sa pagbibitiw ni Lacson bilang pinuno ng Blue Ribbon Committee—isang komiteng kilala sa pagsasagawa ng mga imbestigasyong may kinalaman sa katiwalian at isyung pambansa.
“Dapat mag-stay put siya kasi siyempre, kayang-kaya naman niya ’yan eh. Ewan ko baka may sakit lang kasi kanina hindi nakapag-preside eh,” ani Lapid.
Dagdag pa niya, nirerespeto raw niya ang desisyon ni Lacson ngunit iginiit na mahalaga ang papel ng senador sa nasabing komite. “Nirerespeto natin kung ano ang mga desisyon niya, pero kailangan siya talaga dahil alam naman natin, straight siya sa imbestigasyon—ex-police ’yan, ex-PNP chief,” sabi pa ng aktor-senador.
Sa kabila ng pagbibitiw ni Lacson, umaasa si Lapid na magpapatuloy ang sigla at integridad ng mga imbestigasyong pinangungunahan ng Blue Ribbon Committee, na patuloy na nagiging mata at boses ng publiko laban sa katiwalian sa pamahalaan.