Binigyang-linaw ni newly appointed Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na hindi umano siya tutuon sa isang kampo ng politika para sa kaniyang bagong posisyon.
Ayon sa press conference na pinaunlakan ni Remulla nitong Martes, Oktubre 7, 2025, sinabi niyang hindi maaaring gamitin ang batas para lamang sa sariling interes.
Ani pa ni Remulla, sisiguraduhin niyang “walang sisinuhin” ang serbisyo niya para sa bansa.
“Alam n’yo, noong DOJ secretary ako, ang una kong tinanggal [ay] weaponization ng batas and it could not be weaponized. Sisiguraduhin ko sa lahat ‘yan,” anang Ombudsman.
“Wala itong sisinuhin. Ang trabaho ng Ombudsman, para sa Pilipinas. Hindi sa kampo ng isang politika,” pagtatapos pa ni Remulla.
Matatandaang mariing tinutulan ng Sen. Marcos noon ang pagkakasama ng pangalan ni Remulla sa mga aplikante sa pagka-Ombudsman.
MAKI-BALITA: Sen. Imee Marcos, tutol maging Ombudsman si Remulla; ipapakulong lang umano si VP Sara
Sa isang press conference noong Setyembre 2, 2025, ibinahagi ni Sen. Marcos ang mga dahilan sa pagtutol niya sa potensyal na pagiging Ombudsman ni Remulla.
Ayon sa senador, intensyon lamang ng kampo nila Remulla na mapakulong si Vice President Sara “Inday” Duterte bago ang 2027.
“Ipipilit nila na si Boying ang maging ombudsman para mapakulong si VP Inday Sara bago mag-2027,” ani Sen. Imee.
Maaaring hindi lamang umano si VP Sara ang lalayuning maipakulong kundi pati na rin ang mga kaalyado ng mga Duterte at maging siya mismo.
“At hindi lang si Inday Sara. kundi lahat ng mga Duterte, kaalyado ng mga Duterte, baka pati ako,” aniya.
MAKI-BALITA: DOJ Sec. Remulla, itinalaga bilang bagong Ombudsman ni PBBM
MAKI-BALITA: Remulla sa pagsasapubliko ng SALN: 'Dapat lang!'
Mc Vincent Mirabuna/Balita