Binigyang-pagpapahalaga ni Vice President Sara Duterte ang pagdiriwang para sa Katutubong Mamamayan ngayong buwan ng Oktubre.
Ayon sa videong ibinahagi ni VP Sara sa kaniyang Facebook nitong Martes, Oktubre 7, 2025, inalala niya ang ika-28 na taong selebrasyon para sa mga Indigenous People na mayroon ang bansa.
“Ngayong ipinagdiriwang natin ang Indigenous Peoples Month at ang ika-dalawampu't walong taon ng Indigenous Peoples Rights Act o IPRA,” saad ni VP Sara.
Pagpapatuloy pa niya, “ating kilalanin ang walang kapantay na ambag ng ating mga Katutubong Mamamayan sa pangangalaga ng ating kalikasan, pagpapayaman ng ating kultura, at pagpapalago sa karunungan ng ating bansa.”
Ayon kay VP Sara, nagbibigay ng lakas at pagkakakilanlan ang mga dunong at tradisyon ng mga katutubo sa Pilipinas.
“Ang kanilang pamana ng dunong at tradisyon ay patuloy na nagbibigay ng lakas at pagkakakilanlan sa atin bilang mga Pilipino,” anang VP. “Patunay ng kanilang matibay na paninindigan at pagmamahal sa lupang ninuno at sa kinabukasan ng susunod pang salinlahi.”
“Nawa’y patuloy nating pahalagahan, pangalagaan, at parangalan ang kanilang mga karapatan at kultura,” pahabol ni VP Sara.
Anang bise presidente, magtulungan sana ang mga Pilipino upang itaguyod ang inklusibong pag-unlad para sa mga katutubo para sa kanilang komunidad at para sa pamahalaan.
“Sama-sama nating itaguyod ang makatarungan at inklusibong pag-unlad kung saan ang bawat Katutubong Pilipino ay nabubuhay nang may dangal, kalayaan, at sapat na suporta para sa pamahalaan at komunidad,” pagpapatapos pa niya.
Mc Vincent Mirabuna/Balita