December 14, 2025

Home SHOWBIZ

Tuesday Vargas, tumindig para kay Sen. Risa

Tuesday Vargas, tumindig para kay Sen. Risa
Photo courtesy: Tuesday Vargas/FB, Senator Risa Hontiveros/FB


Nagpahayag ng suporta ang komedyante at TV host na si Tuesday Vargas kay Sen. Risa Hontiveros, kaugnay sa mga umano’y maling impormasyon at paninirang kumakalat laban dito.

Ibinahagi ni Tuesday sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Oktubre 7, ang kaniyang pagtindig at pagsuporta sa nasabing mambabatas.

“TUMITINDIG LABAN SA MALING IMPORMASYON AT PANINIRA. Mahal ka namin, Senator Risa Hontiveros,” ani Tuesday.

Kalakip nito ang isang Facebook post mula sa Akbayan Partylist noong Lunes, Oktubre 6, kung saan tumindig ang grupo laban sa umano’y malisyosong paratang kay Hontiveros.

“Tumitindig tayo kasama ni Akbayan Senator Risa Hontiveros laban sa malisyosong paratang na sinusubukang dungisan ang kaniyang paninindigan at track record. Alam ng taumbayan na si Senator Risa ang ka-akbay nila sa laban para sa pagkakapantay-pantay, pananagutan, at mabuting pamamamahala. Siya ang nakabisto kay Alice Guo, ang lumaban sa Pastillas Scam, at nangunang nagpasara sa mga POGO at Scam Hubs sa Pilipinas,” anang Akbayan.

“Malinaw ang paninidigan ni Senator Risa at ng Akbayan—isang lipunang malaya sa mga kurap at political dynasties. Malinaw ang track record ni Senator Risa at ng Akbayan—walang bahid ng kurapsyon,” dagdag pa nito.

MAKI-BALITA: Akbayan, dinepensahan si Hontiveros-Balita

Matatandaang nagsalita kamakailan si Tuesday hinggil sa umano’y malawakang korapsyon na lumalaganap sa bansa.

“Lahat ng sangkot, dapat managot!” saad ni Tuesday. “Sa mga artistang tahimik ngayon at hindi ginagamit ang boses dahil natatakot, ang masasabi ko lang ay bago kayo maging artista kayo at Pilipino muna. LAHAT TAYO APEKTADO.”

KAUGNAY NA BALITA: Tuesday Vargas, pinapanagot lahat ng sangkot sa korupsiyon-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA