Binanggit ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III ang pangalan ng mga senador na puwedeng maging bagong Senate blue ribbon committee chair, na papalit kay Senate President Pro Tempore Panfilo "Ping" Lacson.
"Para sa akin kung sino ang rekomendasyon ni Senator Lacson would have a very strong edge over anybody else," pahayag ni Sotto sa kaniyang panayam sa "Unang Balita" ng GMA Integrated News nitong Martes, Oktubre 7.
"Marami kaming puwedeng pagpilian, nandyan si Senator JV [Ejercito], si Senator Raffy Tulfo, si Pia Cayetano, o kaya si Francis Pangilinan, even si Risa [Hontiveros] puwede," saad ng pangulo ng Senado.
"Pag-uusapan namin. As a matter of fact, tumawag ako ng caucus bukas ng tanghali, kaming mga members ng majority para pag-usapan itong nangyaring ito sa resignation ni Senator Lacson," dagdag pa niya.
Matatandaang nag-resign kamakailan bilang chairman ng Senate blue ribbon committee si Lacson dahil umano sa kaniyang mga kapwa senador.
"Kung nagkukulang na ng pagtitiwala ang aking kasamahan, especially kung mas marami sa kanila, hindi na masaya sa pagha-handle sa akin sa blue ribbon, naisip ko na maybe stepping down is an option," ani Lacson.
Maki-Balita: 'Maybe stepping down is an option!' sey ni Lacson, sa pagiging Blue Ribbon Chair niya
Sa parehong panayam kay Sotto, sinabi niyang sinubukan daw niyang pigilan si Lacson bago pa niya matanggap ang resignation letter nito.
"Sinusubukan ko no'ng dalawang araw eh hindi pa siya nagsa-submit ng sulat no'n kaya sinusubukan ko pero itong pagkaka-submit niyang ito, palagay ko hindi na natin kayang kumbinsihin," ani Sotto.
Ang Senate bule ribbon committee ang kasalukuyang nag-iimbestiga sa mga maanomalyang flood control project.