Tila hindi na nasorpresa pa si Senador Imee Marcos sa pagkatalaga kay dating Department of Justice (DOJ) Sec. Jesus Crispin “Boying” Remulla bilang bagong Ombudsman.
Sa panayam ng media nitong Martes, Oktubre 7, sinabi ni Sen. Imee na inasahan na raw niya ang kahahantungan ng posisyon ni Remulla.
“Ang totoo, in-expect ko na kasi patungo na ro’n ‘yong sobrang bilis na pagdi-dismiss ng iba’t ibang kaso sa Ombudsman. [...] Gano’n din ‘yong sudden inclusion ni Sec. Remulla. Talagang binabaliktad na ‘yong kanilang mga sariling patakaran. ‘Di na sinusunod ‘yong batas,” saad ni Sen. Imee.
Dagdag pa niya, “Nakakalungkot po. Na-obliga po akong i-defer at hindi suportahan ‘yong appointment ng bagong JBC [Judicial Bar and Council] member kahit kilala ko siya at alam kong mahusay siyang huwes.”
Matatandaang bago pa man ideklara si Remulla bilang Ombudsman nauna nang inihayag ni Sen. Imee ang pagtutol niya rito.
"Isang sapilitang pagtatalaga ng taong hindi karapat-dapat, may mga nakabinbin na kaso at may bahid ng kawalang-hustisya," anang senadora.
KAUGNAY NA BALITA: 'Kulay itim pa rin ang kulay ng bayan!' Sen. Imee, iginiit napipintong pagka-Ombudsman ni DOJ Sec. Remulla
Hinirang si Remulla ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa bago niyang posisyon bilang kapalit ni Ombudsman Samuel R. Martires sa natapos nitong termino noong Hulyo 2025.
Samantala, magsisilbi naman si Department of Justice (DOJ) Undersecretary Fredderick Vida bilang officer-in-charge sa posisyong binakante ni Remulla sa nasabing ahensya.
Maki-Balita: DOJ Sec. Remulla, itinalaga bilang bagong Ombudsman ni PBBM