Tiwala raw si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gagawin ng mga kasundaluhan at kapulisan ang mga bagay na “dapat” at “nararapat” na gawin.
Isiniwalat ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Oktubre 7, na matagal na umanong alam ni PBBM na may mga “retired officials” na inuudyukan ang militar na i-withdraw ang suporta sa administrasyon.
“Matagal na po niya ‘tong nalaman, kahit naman po before pa September 21, ay mayroong mga maliliit na grupo na nagsa-suggest ng ganito pero according nga po kay [Armed Forces of the Philippines Chief] General Brawner at [Philippine National Police Chief] General Nartatez, ay mananatili po silang ‘loyal’ sa Konstitusyon at sa chain-of-command, so wala dapat pong ipag-alala ang taumbayan patungkol po dito,” ani Usec. Castro.
Nang tanungin kung “bothered” o “worried” si PBBM hinggil sa mga impormasyong ito, nilinaw ni Usec. Castro na kinikilala nito ang kagalingan ng kasundaluhan at kapulisan sa bansa.
“Kinikilala niya po ang kagalingan ng AFP at PNP, at ang lahat ng kasundaluhan at kapulisan natin, at tiwala po siya na gagawin nila ang dapat at nararapat,” aniya.
“Aaralin po kung ano po mismo ang naganap na dito para kung mayroon man pong dapat na managot, siguro po ay dapat makasuhan,” sagot pa ng Palace Press Officer matapos tanungin kung ito ba ay tinitingnan ng Palasyo bilang “act of sedition” o “treason.”
Matatandaang kamakailan ay nanindigan si AFP Chief General Romeo Brawner Jr. na hindi umano magaganap ang anumang pag-aaklas sa administrasyon mula sa kanilang hanay.
“Let me reassure our countrymen that the AFP remains strong, professional, and firmly loyal to the chain of command. We are a disciplined institution, grounded in respect for the Constitution, civilian authority, and the rule of law,” ani Brawner.
KAUGNAY NA BALITA: AFP Chief Brawner, sinigurong walang mangyayaring kudeta: 'Not on my watch!'-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA