Nagbaba ng direktiba si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na lipulin ang online scams sa darating na Christmas season para matiyak ang seguridad ng mga isasagawang online transactions.
“Ang direktiba po ng Presidente sa amin malapit nang mag-Pasko sabi niya, ‘Puwede ba pagdating ng Pasko mawala na iyong mga online financial scams,’” pagbabahagi ni DICT Sec. Henry Aguda sa Malacañang press briefing nitong Martes, Oktubre 7.
“Ang aspiration po natin ngayon ay kapag nag-transaction kayo online itong Pasko kung saan mataas ngayon ang paggamit ng credit card at saka online payment ay kampante po tayo.” dagdag pa niya.
Bilang aksyon, ang DICT ay kasalukuyang nakikipagtulungan sa ilang telecommunications companies tulad ng Global Anti-Scam Alliance at Globe Telecom para agarang mabigyang-solusyon ang online scams.
Kasama sa inisyatiba ng ahensya ay ang pagtuligsa ng fake news, kaya isang pagpupulong ang ginanap noong Setyembre 19 kasama ang telcos at social media platforms, kung saan, layon nilang magsagawa ng content moderation nang naaayon sa Philippine setting.
Binanggit din ni Aguda na ang inisyatiba laban sa fake news ay pangungunahan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) dahil bibigyan rin nila ng solusyon ang deepfakes na nakapanloloko sa mga tao online.
Kabilang din dito ang kooperasyon ng ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Budget and Management (DBM), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Bureau of Customs (BOC), at ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sean Antonio/BALITA