Usap-usapan ang walang takot at diretsahang pahayag ng retiradong Supreme Court Justice at dating Ombudsman na si Conchita Carpio-Morales kung natakot ba siya noon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, matapos umano siyang tangkaing mapa-impeach at mapa-disbar sa panahon ng administrasyon nito.
Sumalang si Carpio-Morales sa panayam sa vlog ni ABS-CBN broadcast journalist Karen Davila.
Hindi pa man natatapos magtanong si Karen, agad nang sumagot ang dating Ombudsman kung natakot ba siya noon kay dating Pangulong Duterte.
"Looking back, natakot ba kayo noon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte?" usisa ni Karen.
"Never. Siya ang natakot sa akin!" sagot naman ni Carpio-Morales.
Sa paggunita niya sa panahong iyon, sinabi ni Morales na itinuturing niyang mga pagsubok sa kaniyang katatagan sa politika ang mga kontrobersiyang kinaharap niya, at masasabi raw niyang siya ang survivor at natalo sila.
"Talo sila. I’m a survivor," matapang na giit ni Morales.
Kung babalikan, matatandaang noong 2017 ay sinampahan ng impeachment case ang dating Ombudsman ng grupong Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) dahil sa pag-iimbestiga ng tanggapan ng una hinggil sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni FPRRD at ng kaniyang pamilya.
Pero hindi naman umandar ang kaso dahil wala naman sa mga solon ang nagbigay ng pormal na pag-endorso rito, na isang kailangang hakbang bago ito maisalang sa deliberasyon.
Nahaharap din noon si Morales sa kasong disbarment at isang petisyon para siya ay tanggalin bilang Ombudsman, batay sa akusasyong lumabis na umano siya sa itinakdang termino.
Sa kabilang banda, ibinasura ng Korte Suprema ang mga naturang petisyon, dahilan upang matapos niya ang pitong taong panunungkulan noong 2018.
Ang namayapang dating Pangulong Noynoy Aquino naman ang nag-appoint kay Carpio-Morales bilang Ombudsman, sa panahon ng kaniyang administrasyon. Siya ang mas pinaboran at pinili ni Aquino kaysa kay dating Chief Justice Renato Corona.