Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Department of Justice (DOJ) Secretary of Justice Jesus Crispin “Boying” Remulla bilang bagong Ombudsman nitong Martes, Oktubre 7, matapos ang termino ni Hon. Samuel R. Martires noong Hulyo.
Ayon sa Malacañang, bilang bagong Ombudsman, inaasahan ng administrasyon na isasakatuparan ni Remulla ang pagtuligsa sa korapsyon, habang isinasaalang-alang ang kalinawan at pananagutan.
“As Ombudsman, Remulla is expected to uphold transparency, strengthen anti-corruption measures, and ensure that justice is administered fairly and efficiently. There will be no sacred cows, no exemptions, and no excuses. Public office is a public trust, and those who betray it will be held accountable,” saad sa pahayag.
KAUGNAY NA BALITA: DOJ Sec. Remulla, itinalaga bilang bagong Ombudsman ni PBBM
Si Remulla, ang bagong Ombudsman, ay tungkuling protektahan ang interes ng mamamayan mula sa katiwalian ng mga ahensya at mga opisyal ng pamahalaan:
Mula sa pamilya ng mga pulitiko, si Remulla ay ipinanganak noong Marso 31, 1961 sa Maynila.
Natapos niya ang kaniyang pre-law degree na Bachelor of Arts in Political Science sa University of the Philippines (UP) noong 1983, at Bachelor of Laws sa parehas na pamantasan noong 1987.
Taong 1987 din, nakabilang si Remulla sa top 17 ng bar exam, at nasa top 20 sa kaniyang Career Executive Service Board Examination.
Nagsimula ang kaniyang karera sa abogasya bilang Senior Partner sa Remulla and Associates Law Office, bago maging parte ng Provincial Board sa Provincial Government ng Cavite, kung saan, siya’y nanilbihan din bilang consultant at provincial coordinator para sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Carmona Landfill Project.
Mula 1998 hanggang 2001, siya ay naging Asst. Sec. sa Malacañang, at naging Chief of Staff naman sa opisina ni dating senador Luisa Ejercito Estrada mula 2002 hanggang 2003.
Mula naman 2004 hanggang 2010, nanilbihan si Remulla bilang 3rd District Representative sa Cavite, at sa 7th District naman noong 2010 hanggang 2013.
Taong 2016 hanggang 2019, si Remulla ang naupo bilang Provincial Governor ng Cavite, at muling naging representante ng Cavite 7th District mula 2016 - 2019.
Mula rin 2016 hanggang 2019, siya ay itinalaga bilang Senior Deputy Majority Leader, bago siya iluklok bilang Kalihim ng Department of Justice (DOJ) noong 2022.
Ilan sa mga naitalang resolusyon na inilathala ni Remulla sa 18th Congress ay ang:
- House Bill (HB) 05989 - ang panukalang bumuo sa Department of Disaster Resilience.
- HB 06134 - ang panukalang nag-uutos sa banking institutions na palawigin ang financing system para sa mga Agricultural, Fisheries and Rural Development sa bansa.
- HB08992 - ang panukalang nagpapalawig ng paggamit ng digital payments para sa mga pinansyal na transaksyon sa pamahalaan at iba pang institusyon.
Bilang DOJ Sec. naman, ipinangako niya kay PBBM ang pagpapalawig ng kaniyang adbokasiya na “Uphold the Rule of Law” para bigyang hustisya ang bawat mamamayan sa bansa, na hindi alintana ang kanilang estado sa buhay.
Bilang bagong Ombdusman, si Remulla ay inaasahang maninilbihan sa loob ng pitong taon, nang walang reappointment.
Sean Antonio/BALITA