Aarangkada na ang operasyon ng Electric Passenger Ferry ng Department of Science and Technology (DOST) at University of the Philippines - Diliman sa Nobyembre.
Ang M/B Dalaray ay ang kauna-unahang locally-developed e-passenger ferry sa bansa, na bukod sa pagiging battery at solar energy-powered, ay nagbibigay din ng malinis at mas tahimik na pamamaraan ng transportasyon.
Ayon kay DOST Sec. Renato Solidum Jr., ang M/B Dalaray ay makaiiwas sa mabigat na lagay ng trapiko at polusyon dahil hindi ito umaasa sa paggamit ng diesel.
“Unang-una, ito’y makakatulong sa pagbabawas ng traffic congestion sa Metro Manila, pangalawa, syempre, ‘yong ating pag-combat sa climate change, at mapangalagaan ang ating kalusugan, [dahil] ‘yong paggamit ng diesel ay nakakasama sa hangin at masama sa ating kalusugan,” paliwanag ni Solidum.
Ang M/B Dalaray ay may kakayahang magsakay ng 40 pasahero.
Ito rin ay air conditioned, mayroong banyo sa loob, at life vests para masigurado ang komportable at ligtas na biyahe ng mga pasaherong sasakay rito.
Simula Nobyembre, idadagdag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang M/B Dalaray sa kanilang 11 pang diesel-powered passenger ferries, na inaasahang makapagsasakay ng mahigit-kumulang 1,000 pasahero araw-araw.
Ang magiging ruta nito sa Ilog Pasig, na nagkokonekta sa mga lungsod ng Maynila, Makati, Mandaluyong, Pasig, at Taguig.
Sean Antonio/BALITA