December 13, 2025

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Maling Pin, Tamang Biyaya! Delivery rider, may 'di inaasahang regalo sa birthday niya

#BalitaExclusives: Maling Pin, Tamang Biyaya! Delivery rider, may 'di inaasahang regalo sa birthday niya
Photo courtesy: Reph Bangsil (FB)

Minsan, ang mga pagkakamali ay may dalang kabutihang hindi natin agad nakikita.

Isang simpleng pangyayari ang nagpatunay na minsan, ang “maling pin” ay maaari palang maging tamang biyaya para sa iba.

Nag-viral ang Facebook post kamakailan ni Reph Bangsil matapos niyang ibahagi ang karanasan nang aksidenteng mai-pin ang maling lokasyon sa kaniyang ipina-deliver na pagkain.

Ayon kay Reph, nagmamadali siya nang mag-book ng para magpa-deliver ng pagkain. Ngunit sa di-inaasahang pagkakataon, maling address ang nailagay niya. Nang makarating ang rider sa lugar, tinawagan siya nito upang itanong kung nasaan siya. Doon niya napagtanto ang kaniyang pagkakamali.

Human-Interest

#BalitaExclusives: Anak na nilibre mga magulang niya sa abroad, hinangaan ng netizens

“Okay lang, kuys. Sayo na yan, malayo kasi ako,” aniya sa rider. Sa halip na agad tanggapin, nagpilit pa raw ang rider na ihatid ang order sa tamang lokasyon. Ngunit iginiit ni Reph, “Okay lang, i-complete mo na yung delivery tapos kainin mo na yan. Regalo ko na sayo, kuys.”

Ilang sandali ang lumipas, tumawag muli ang rider—ngunit hindi na tungkol sa delivery. Sa kabilang linya, ramdam ang emosyon sa kaniyang boses. “Sir, marami pong salamat sainyo. Actually naiiyak po ako ngayon kasi birthday ko po, at kayo palang ang nakapag-regalo sakin today. Sana po bumalik sainyo yung biyaya galing kay Lord.”

Ang simpleng pagkakamali ay nauwi sa isang sandaling puno ng kabutihan, pasasalamat, at pag-asa. Sa huli, ibinahagi ng netizen ang kaniyang natutuhan: “There are never really mistakes in this world. Everything really does happen for a reason.”

Sa comment section ng post, sinabi ni Reph na marami raw ang nagsasabing baka "gawa-gawa" lamang ang nabanggit na post.

"Ang daming nagsasabi that our Grab story yesterday wasn’t true. And it’s sad to see that a simple show of kindness like this makes people doubt its authenticity. But on the otherhand, madami din nag-message wanting to extend help to #KuyaGrab through G-Cash," aniya.

Sinabi raw ng rider na masaya na siya sa nangyaring pagkaka-viral ng post tungkol sa kaniya.

"Nagpaalam muna ako sakanya and said that he should use it pang gamot or kaya pang celebration sa birthday niya. Pero sabi niya na happy na daw siya sa kahapon and to know na may mga tao pa na mabubuti ang puso sa mga Riders."

"To quote, sabi niya, 'masaya napo yun post niyo po, ok napo ako.'"

"After that, tinanong ko if masarap ba yung JT’s and sinabi niya na pinang-regalo niya pala sa family niya pag uwi niya!"

"As of right now, Kuya is happy na daw na napost siya and na-share yung story, but i’ll let you guys know once he’s okay to receive donations."

May sagot din siya sa mga kumukuwestyon kung bakit kailangan pa raw i-share ito sa social media.

"Meron din pala nagsasabi na, 'Bakit kailangan i-share yung story if ang goal mo is tumulong?' Well, because my goal is that for whoever that can read this. To take the story as a simple reminder to be kind everyday, because hindi natin alam ang pinagdadaanan ng mga tao. Thank you for listening!"

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Reph, nagbigay siya ng mensahe para sa lahat, na magpakita pa rin ng kabutihan sa kapwa sa kabila ng hirap ng buhay sa kasalukuyan.

"Always choose to be kind because we don’t know what other people are going through. It also comes back tenfold, and if it doesn’t, I swear you’ll still sleep better at night knowing you did a kindness. You’ll also have a brighter aura," aniya.

Paalala itong kahit sa gitna ng kaabalahan at hindi inaasahang pagkakataon, minsan ay may mga pagkakataong nagiging instrumento ang tao ng kabutihan sa iba—minsan pa nga, nang hindi namamalayan.

Saludo sa lahat ng masisipag na riders na araw-araw ay nagsisilbi sa kabila ng init, ulan, at pagod. At higit sa lahat, sa mga taong handang magbahagi ng kabutihan, kahit sa mga hindi inaasahang pagkakataon.