Umakyat na sa mahigit 8,000 ang naitalang aftershocks sa Cebu ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), umaga ng Martes, Oktubre 7, matapos ang pagyanig ng 6.9 magnitude na lindol sa probinsya kamakailan.
Base sa datos ng PHIVOLCS, as of 11 AM, umabot na sa 8,298 aftershocks ang naramdaman sa Cebu. 1,556 dito ang “plotted,” ibig sabihin ang epicenter ng mga ito ay na-detect mula sa tatlong seismic stations. Habang ang 34 na aftershocks ay naramdaman, na ang pinakamalakas ay umabot sa magnitude 5.1.
Ang mga aftershocks ay mayroong magnitude range mula 1.0 hanggang 5.1.
Iniulat din ng PHIVOLCS na inaasahang makararamdam pa ng aftershocks ang probinsya sa mga susunod pang linggo o buwan dahil sa patuloy na adjustment ng lupa dala ng malakas na pagyanig noong Setyembre 30.
Maki-Balita: Aftershocks ng lindol sa Cebu, posibleng tumagal pa sa darating na mga linggo, buwan—Phivolcs
Dahil dito, inabisuhan ng ahensya ang publiko na patuloy maghanda sa mga posibleng malalakas na aftershocks, umiwas sa mga gusaling maaaring bumagsak, alamin ang daan sa evacuation centers, at kumuha lamang ng impormasyon mula sa opisyal na DOST-PHIVOLCS website at social media, at iba pang awtorisadong news outlets.
Sean Antonio/BALITA