December 19, 2025

Home BALITA Probinsya

3 ‘overloaded’ truck, posibleng sanhi ng pagbagsak ng Piggatan Bridge–Sec. Dizon

3 ‘overloaded’ truck, posibleng sanhi ng pagbagsak ng Piggatan Bridge–Sec. Dizon
Photo courtesy: Cagayan Provincial Information Office (FB)

Binanggit sa initial report ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ang pagdaan ng tatlong ‘overloaded’ na truck ang posible umanong dahilan ng pagbagsak ng Piggatan Bridge sa Alcala, Cagayan, noong Lunes ng hapon, Oktubre 6.

Sa pahayag ni DPWH Sec. Vince Dizon sa DZMM, umaga ng Martes, Oktubre 7, ibinahagi niya na base sa kanilang preliminary findings, tatlong truck na may tinatayang 50-ton na bigat ang sabay-sabay tumawid sa tulay, na higit pa sa 18-ton capacity nito.

“Ang initial report, mayroong tatlong truck na sabay-sabay tumawid sa bridge na ‘yan, punong-puno ‘yong tatlong truck at medyo malalaki. Ang estimate, 50-tons per truck,” saad ng Kalihim.

Sa kasalukuyan, nagpadala na ng mga engineer ang DPWH para magsagawa ng assessment sa mga naging sira at tukuyin ang dahilan ng pagbagsak ng tulay, at kung paano ito mabilis na maaayos.

Probinsya

Minimum wage earners, kasambahay sa Caraga, may umento sa sahod!

Bilang karagdagang aksyon, nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa mga LGU (local government unit) at province government.

“Pupunta ako diyan [Cagayan] ng Miyerkules [Oktubre 8], kakausapin ko ‘yong Provincial Government, ‘yong LGU (local government unit),” aniya.

Binaggit din ni Dizon na isa pa na layon nilang pag-usapan ay ang traffic management sa tulay.

“Kailangan makipagtulungan tayo sa LGUs at provincial government para masigurado na maayos ang traffic flow at management diyan [Pigattan Bridge], hindi puwedeng nagsasabay-sabay itong malalaking truck. Iimbestigahan nating maigi,” pagtitiyak niya.

Dahil taong 1980 pa ang unang konstruksyon ng Piggatan bridge, isa rin sa ikinokonsidera ng ahensya ay ang maintenance nito sa mga nagdaang taon.

“At the same time, kailangan natin tignan kung na-retrofit na ba ito in the past year. Maraming factor, tignan muna natin,” saad niya.

Samantala, naglabas ng abiso ang DPWH sa kanilang Facebook page, na ang mabibigat na sasakyan ay maaaring dumaan sa Jct. Gattaran-Cumao-Capissayan-Sta. Margarita Bolos Point Road papunta sa Baybayog-Baggao-Sta. Margarita Road.

Habang ang magagaan namang sasakyan ay maaaring dumaan sa Piggatan-Maraburab Barangay Road.

Matatandaang bumagsak ang Piggatan Bridge noong hapon ng Oktubre 6, kung saan pitong tao ang naibalitang nasugatan at agad na dinala sa ospital sa Alcala at Gattaran.

Sean Antonio/BALITA