Isinapubliko ni Senador Imee Marcos ang mga resibong nagpapatunay umano ng mahigpit niyang pagtutol sa 2025 national budget.
Sa latest Facebook post ni Sen. Imee nitong Lunes, Oktubre 6, sinabi niyang umabot pa raw sa puntong nakiusap siya upang hindi mapahamak ang kapatid niyang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
“Ako ang senador na pinakatumutol sa 2025 Budget. [...] Umabot pa sa puntong halos makiusap ako dahil ayaw kong mapahamak kapatid ko, pondo ng bayan at ang mamamayan —pero noong mga panahon na 'yan, mula sa Kongreso, Senado hanggang sa Palasyo, ang almusal nilang lahat ay DEDMA.”
Kalakip ng post na ito ang larawan ng mga ulat at pahayag tungkol sa pananaw ng senadora sa nakaraang budget.
Matatandaang inulan ng kontrobersiya ang nakaraang bicam committee report matapos umugong ang mga alegasyong dagdag na budget na isiningit umano ni dating House Speaker Martin Romualdez para sa 2025.