Nakapagtala ng “zero focus crime” ang Philippine National Police (PNP) sa nagdaang limang araw, matapos tumama ang magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City, Cebu kamakailan.
Ibinahagi ng PNP sa kanilang Facebook post nitong Lunes, Oktubre 6, ang “kapayapaan sa gitna ng kalamidad,” na isa umanong patunay sa disiplina at katatagang ipinamalas ng mga residente.
“Alinsunod sa direktiba ni Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking agad na maipagkaloob ang tulong at seguridad sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad, agad na kumilos ang Philippine National Police (PNP) upang tumulong sa mga mamamayan ng Hilagang Cebu matapos ang 6.9-magnitude na lindol noong Setyembre 30,” anang PNP.
“Sa gitna ng nagpapatuloy na rehabilitasyon, iniulat ng PNP na walang naitalang focus crime sa mga nabanggit na apektadong lugar mula Oktubre 1 hanggang 5, malinaw na patunay ng disiplina at katatagan ng mga Cebuanos at ng matatag na presensya ng kapulisan sa rehiyon,” dagdag pa nito.
Ibinahagi naman ng PNP ang naging pahayag ni PNP Acting Chief Police Lieutenant Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. hinggil sa “zero focus crime” na naitala sa Cebu, katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Local Government Units (LGUs), at iba pang mga responder.
“Sunod-sunod man ang kalamidad, mula sa bagyong Nando, Opong, at Paolo, hanggang sa malakas na lindol, hindi natinag ang ating kapulisan. Nasira man ang ilang tulay at kalsada, nanatili ang kanilang tapang at malasakit. Dahil dito, mabilis nating naibalik sa normal ang sitwasyon sa Hilagang Cebu,” ani Nartatez.
Sinuportahan naman ni PNP Spokesperson Police Brigadier Gen. Randulf T. Tuaño ang mga pahayag ni Nartatez.
“Sa bawat sakuna, lumalabas ang diwa ng bayanihan. Ipinakita ng mga taga-Cebu ang disiplina at pagkakaisa, at tinugunan ito ng ating mga pulis ng buong puso at malasakit,” saad ni Tuaño.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagdagsa ng tulong mula sa mga mambabatas, kongresista, mga ahensya, at iba pang mga organisasyon, upang matugunan ang pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng nasabing lindol.
KAUGNAY NA BALITA: DOLE, naglaan ng P11M ayuda para sa mga manggagawang naapektuhan ng lindol sa Cebu-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA