Isang lady rider ang patay nang mabangga ng van ang kaniyang minamanehong motorsiklo sa Taytay, Rizal nitong Linggo ng gabi.
Naisugod pa sa Taytay Emergency Hospital ang biktimang si alyas ‘Gemma,’ 42, ng Brgy. San Juan, Taytay, ngunit idineklara na ring dead on arrival ng mga doktor, bunsod nang matinding pinsalang tinamo sa kanyang ulo at katawan dahil sa aksidente.
Samantala, nasa kustodiya na ng Taytay Municipal Police Station ang suspek na si alyas ‘Clark,’ 27, ng Brgy. San Jose, Antipolo City.
Batay sa ulat, nabatid na dakong alas-7:30 ng gabi ng Linggo nang maganap ang aksidente sa Manila East Road, sa Brgy. San Juan, Taytay.
Nauna rito, binabagtas umano ng suspek ang Manila East Road, lulan ang isang kulay silver metallic na Toyota Hi-Ace Commuter van, na patungong Kaytikling Rotonda, nang pagsapit sa naturang lugar ay aksidente nitong mabangga ang kulay gray na Yamaha Mio Soulty na minamaneho ng biktima, na noon ay tumatawid sa kalsada.
Dahil sa tindi ng impact ng pagkakabangga, tumilapon ang biktima sa sementadong kalsada at nagtamo ng matinding sugat sa iba’t ibang panig ng kaniyang ulo at katawan.
Kaagad naman siyang naisugod sa pagamutan ngunit patay na ito.