Naranasan mo na bang pumalya sa isang bagay kahit na ibinuhos mo na ang lahat ng lakas mo para matapos iyon?
Nakakapanghinayang. Nakakapanlumo. Nakakapagod.
Sa buhay na ito, madalas ay inaasahan natin ang tagumpay basta ginawa natin ang lahat ng ating makakaya sa isang bagay–sa pag-aaral man, sa trabaho, o maging sa pagpaplano sa buhay.
Itinuturo sa Bibliya na ang pagtataguyod ng buhay ay maihahalintulad sa pagtatayo ng isang bahay. (Mga Awit 127:1)
Mayroong ilang nagtatayo ng kanilang bahay sa buhangin–kaunting ulan, kaunting hangin–nabubuwal agad dahil walang matibay na pundasyon, walang pinanghahawakan.
Ang mga gumagawa raw nito ay umaasa sa kanilang sariling lakas, katalinuhan, at maging kayamanan.
Sa kabilang banda, ang nagtatayo raw ng bahay sa bato, kahit gaano kalakas ang bagyo, hindi ito matutumba dahil sa matibay nitong pundasyon. (Mateo 7:24-25)
Bilang Kristiyano, isa sa mga utos sa atin ng Panginoon na huwag umasa sa sariling kakayahan bagkus sa Kaniyang kakayahan.
Siya ang pagiging matibay na pundasyon ng ating buhay.
Tao lamang tayo, limitado ang ating mga kaalaman at kakayahan, kumpara sa Diyos na alam na ang mga magaganap bago pa ito mangyari.
“Magtiwala ka nang buong puso sa Panginoon at huwag kang manalig sa iyong sariling karunungan. Alalahanin mo ang Panginoon sa lahat ng iyong ginagawa at ituturo niya sa iyo ang tamang landas.” - Kawikaan 3:5-6
Sa panahon ngayon, wala pa rin ang “hinahanap” ang kanilang sarili, may mga tao namang nagsisimula pa lang magtataguyod ng kanilang buhay, ngunit sinasabi ng Diyos na ipagkatiwala lang sa Kaniya ang lahat at tiyak na ibibigay Niya ang lahat.
Manumbalik tayo sa Kaniya–Siya bilang Diyos na mapagmahal at mahabagin–kaluguran Niyang pagpalain tayo nang lubos at baguhin ang ating buhay, ang kailangan lamang natin ay lumapit sa Kaniya.
“Maikling panahon lang ang paghihirap ninyo. Pagkatapos nito, tutulungan kayo ng Dios para maging ganap ang buhay ninyo. At siya rin ang magpapatatag at magpapalakas sa inyo, dahil siya ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala. Pinili niya kayo upang makabahagi rin sa walang hanggang kaluwalhatian niya sa pamamagitan ng pakikipag-isa ninyo kay Cristo.” - 1 Pedro 5:10
Sean Antonio/BALITA