Binigyang-linaw ng ahensya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung ano ang nakaplano nilang proseso para mapatawan umano at pagbayarin ng aabot sa bilyong piso ang mga kontratistang sangkot sa maanomalyang flood-control projects.
Ayon sa naging panayam ng mamamahayag na si Ted Failon kay DPWH Sec. Vince Dizon nitong Lunes, Oktubre 6, sinabi ni Dizon na may basehang legal umano sila para panagutin ang mga kontratistang sangkot sa nasabing anomalya.
“Ganito po, ang sabi ko nga po no’ng ako ay mag-press conference noong Biyernes, no’ng nag-file kami ng unang mga kaso sa PCC [Philippine Competition Commission], we will throw everything, sa libro, sa mga contractor na ito para lang mapanagot sila [at] mabawi natin ang pondo. So, ‘yon po ang pinaka importante,” panimula in Dizon.
Pagpapatuloy pa niya, nakuha umano nila ang ideyang ito kay Sen. Bam Aquino noong dumalo siya sa nakaraang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
“Nakuha po natin ang ideya na ito kay Sen. Bam Aquino a few weeks ago noong ako po’y umattend sa Blue Ribbon. Under the Philippine Competition Act, puwede pong mag-impose ng penalty ang PCC kapag merong pruweba ng bid rigging sa mga government contract,” ani ni Dizon.
“Ito po ay kaso laban sa mga contractor at bawat offense po, puwedeng maximum 250 million [pesos]. At ang pagkakaintindi po namin sa offense ay bawat kontrata o bawat projects,” paglilinaw pa niya.
Dagdag pa ni Dizon, tuloy-tuloy ang magiging proseso ng kanilang pag-iimbestiga kaugnay sa mga kontratistang gumawa ng bid rigging at umaasa umano ang ahensya nila na mabilis din itong aaksyunan ng PCC.
“‘Yon po ang gagawin namin. Nagsimula po tayo sa labindalawa, ito po ‘yong ni-file namin sa Bulacan at tuloy-tuloy po tayo dito. Kapag mayroon po tayong in-up na ebidensya against contractor po [sa] bid rigging, fi-file-lan po natin sila at umaasa po tayo na mabilis pong aaksyunan ng PCC ito,” aniya.
Samantala, nilinaw naman ni Dizon kay Failon na kompanya ng mag-asawang sina Curlee at Sarah Discaya, Wawao Company, at Sunwest Company ang nasampahan nila ng nasabing penalties.
Matatandaang nauna nang ihayag ni Dizon na umabot sa 1,214 flood control projects ang napasakamay ng mga Discaya mula 2016 hanggang 2025 sa kaniyang press briefing na isinagawa noong Oktubre 3, 2025.
MAKI-BALITA: 1,200 flood control projects, naibulsa ng mga Discaya mula 2016-2025; P300B, ipapataw na penalty!
Ipinaliwanag ni Dizon ang magiging halaga umano ng penalty laban sa mga Discaya.
“1,214 flood control projects of Discaya from 2016 to 2025. It's roughly close to ₱80 billion (₱77.934 billion),” ani Dizon.
Dagdag pa niya, “So yari sila, mas malaki pa pala yung penalty nila (₱300 bilyon) doon sa contract amount na ‘yan. The maximum penalty is ₱250 million per contract. But I guess, that depends on how much the contract is.”
MAKI-BALITA: Mag-asawang Discaya, 'no comment' sa posibleng P300 bilyong penalty ng DPWH laban sa kanila
Mc Vincent Mirabuna/Balita