Tumungo papuntang Baguio City sina Alex Gonzaga, kasama ang kaniyang asawang si Lipa City, Batangas Vice Mayor Mikee Morada upang sorpresahin ang isang “talented artist” na nais silang makita.
Ibinahagi ni Alex sa kanyang YouTube vlog noong Linggo, Oktubre 5, ang kaniyang pagpunta sa Baguio City bilang pagtupad sa hiling ng nasabing tagahanga.
Ayon kay Alex, nakita niya umano ang Facebook post ni Mark Agcaoili nang paulit-ulit siyang i-mention ng netizens, kung kaya’t napagpasiyahan niyang pagbigyan ang hiling nito.
“Okay, okay, netizens. Ito talaga ang dahilan kung bakit kami pumunta sa Baguio. Kasi, nag-post ang isa nating kababayan na si Mark Agcaoili sa Facebook, at marami sa inyo ang nag-tag. At dahil nakita ko nga ang kaniyang post, agad-agad ay nakipag-coordinate na agad ang Team Alex para siya ay mapuntahan,” ani Alex.
“Pero siyempre, sinurprise muna namin siya. Ang alam ni Mark, pupuntahan lang siya ng Team Alex para kausapin at interviewhin para sa susunod, saka ko siya pupuntahan,” dagdag pa niya
Nang personal nang makita ni Alex ang artist, napag-alamang niyang ito ay 35 taong gulang na artist mula sa Ilagan City, Isabela, at nagsimulang gumuhit noong siya ay bata pa. Sa kasamaang palad, ito ay dinapuan ng sakit na “meningitis” sa edad na 11 taong gulang.
Ginagamit ni Mark ang kanyang paa upang iguhit ang ilang mga personalidad tulad nina Alex Gonzaga.
“Ang galing-galing mong mag-drawing, Mark. Grabe, lahat ng artista kaya mo i-drawing,” ani Alex.
“Mark, ang galing-galing mo. Magkaedad tayo pero talong-talo mo kami, grabe. Napakahusay mo,” dagdag pa niya.
Isiniwalat niya ring ipinakita niya ang mga likhang-sining ni Mark kay Sen. Loren Legarda.
“Pinakita ko rin kay Sen. Loren Legarda ‘yong trabaho mo. Sabi niya, gagawan daw siya ng ano…Para mabigyan ka ng tulong din ng NCCA, mga ano, for arts,” saad ni Alex.
Binili rin ni Alex ang isang likhang-sining ni Mark, kung saan siya at ang kaniyang asawang si Mikee ang subject. Ani Alex, “Pili tayo dito, Mikee, lalagay natin sa bagong bahay natin.”
Ang isa naman ay pinirmahan ng artista upang i-keep ni Mark.
Gustong-gusto rin daw ni Alex ang drawings ni Mark sapagkat ito ay hindi na umano kailangan pang i-edit.
“Mark, gustong-gusto ko ‘yong drawing mo, gumaganda kami. Parang ‘di ko na kailangang I-edit at idaan pa sa mga edisyon ng Face Tune,” saad ni Alex.
Sinubukan ding mag-drawing ni Mark sa harap mismo ni Alex, gamit ang paa nito, at siya ay binigyan nito ng tulong upang maipagpatuloy ang kaniyang talento sa pagguhit.
Matapos nito, nagpasalamat naman si Alex sa pagwewelcome nina Mark sa kanilang team.
Iniabot din ni Mark ang kaniyang pasasalamat kina Alex at Mikee sa kaniyang Facebook post noong Linggo, Oktubre 5, matapos nitong tuparin ang kaniyang hiling.
“Ma’am Alex Gonzaga and Sir Mikee Morada, thank you so much for granting my wish! I can’t explain how happy and grateful I am. You both made one of my biggest dreams come true,” ani Mark.
“Your kindness and humility really touched my heart. I’ll never forget this moment—thank you for the love, inspiration, and happiness you always share,” dagdag pa niya.
Vincent Gutierrez/BALITA