“Papunta ka pa lang, pabalik na ako.”
Para sa mga Pinoy, ang mga lolo at lola ang pinakaimportanteng parte ng pamilya dahil sa kanilang gampanin bilang guro, counselor, at mentor, dala ng kanilang mga kaalaman mula sa kanilang mahabang taon ng pamumuhay.
Sa mga apo, sila ang “partner-in-crime” na madalas nagdadala ng mga pa-merienda at regalo na kalimitang hindi ibinibigay ng magulang, dahil dito, kinikilala rin sila sa kanilang “unconditional love.”
Sa pamamagitan ng kanilang malaking papel sa pamilyang Pinoy, ang mga lolo at lola ang nagsisilbing tulay para magkaintindihan ang mga henerasyon.
Kung kaya naman, sa pagdiriwang ng Elderly Filipino Week (EFW), narito ang ilan sa mga paraan para maipakita at maibalik ang pagmamahal na walang-sawang ibinubuhos ng mga lolo at lola:
1. Kuwentuhan sa merienda
Para sa maraming Lolo at Lola, isa sa mga “love language” nila ay ang pakikipagkuwentuhan dahil sa pamamagitan nito, naibabahagi nila ang kanilang W.O.W (Words of Wisdom).
Ayon sa ilang eksperto, kadalasan, nakikita ng mga apo ang kanilang lolo at lola bilang “security blanket” dahil bukod sa kanilang mga kuwento na puno ng aral, karamihan ng matatanda sa pamilya ay mahaba ang pasensya, at maiging nakikinig sa istorya ng kanilang mga apo.
2. Pag-aaral ng mga recipe ni Lolo/Lola
Isa pa sa “love language” ng mga lolo at lola ay ang pagkain.
Madalas, sa mga apong bumibisita o nakatira sa bahay ng kanilang lolo at lola, naririnig nila ang mga katagang, “ang payat mo, kumain ka.”
Kaya bukod sa kagustuhan nilang mabusog ang kanilang mga apo, tiyak na ikatutuwa rin ng maraming lolo at lola na ituro ang kanilang recipe sa mga ito bilang bonding at pagpepreserba ng kanilang lutuin hanggang sa mga bagong henerasyon.
3. Movie marathon ng mga lumang pelikula
Isa pa sa mga tiyak na magugustuhan ng mga lolo at lola ay ang pagbabalik-tanaw sa kapanauhunan nila sa pamamagitan ng movie marathon ng mga lumang pelikula.
Ang bonding idea na ito ay isang low-effort activity para sa seniors na hindi hilig ang masyadong pagkilos sa loob ng bahay o paglalakad sa labas.
Sa pamamagitan din nito, maaaring matuto ang mga apo sa mga istoryang maibabahagi ng kanilang lolo at lola habang ginugunita ang mga artista, musika, at pangyayari sa kanilang panahon.
4. Nature walk
Ayon sa Better Health Channel, ang paglalakad ay nakatutulong para mas mapagbuti ang kalusugan ng isang tao, dahil napapalakas nito ang buto at kasu-kasuan, at napapanatili ang malusog na timbang.
Para sa ilang senior citizens na madalas nasa loob na lamang ng bahay, magugustuhan nila ang magkaroon ng apo na kanilang magiging “walking buddy” dahil bukod sa mapapalakas nito ang kanilang pangangatawan, matatanggal din ang pagka-inip nila dahil sa mga bagong bagay na makikita nila.
5. Pagsama kay Lolo/Lola sa kanilang komunidad
Isa pa sa mainam na bonding kay lolo at lola ay ang pagsama sa kanilang kinabibilangang komunidad, mapa-Zumba session man ito, o programa ng pamahalaan para sa seniors, mainam ito para sa mga apo dahil mas makikilala nila ang kanilang lolo at lola sa pamamagitan ng mga hilig nila.
6. Karaoke o harana session
Ang musika ang isa sa mga epektibong paraan para makipag-bonding sa maraming tao, at bilang Pinoy, nakaukit na sa kasaysayan ang musika at pagkanta, bilang pagpapahayag ng saloobin o pampalipas oras.
Katulad ng movie marathon ng mga lumang pelikula, mainam ang musika para mas maraming malaman ang mga apo sa kultura ng kanilang lolo at lola, sa makulay at masayang paraan.
7. Videocall
Panghuli, kung ang apo ay nasa malayong lugar at hindi kakayanin na pumunta sa bahay ng kaniyang lolo at lola, malaking-bagay na ang pagtawag kahit na sa loob ng isa o dalawang oras.
Dahil bagama’t maiksing oras lamang ito kung tutuusin, maraming lolo at lola ang natutuwa marinig lamang nila ang boses ng kanilang apo o makita ito kahit na sa screen.
Alinman sa “bonding ideas” na ito ang maisagawa ng mga apo, mahalagang tandaan na isang kaligayahan na sa mga matatanda ang makapaglaan ng oras para sa kanilang pamilya.
Sean Antonio/BALITA