Sumaklolo ang Akbayan Party-list kay Senador Risa Hontiveros matapos nitong malagay sa sentro ng kontrobersiya.
Sa isang Facebook post ng Akbayan nitong Lunes, Oktubre 6, iginiit nila ang mga isyung pinapanindigan at pinapanigan ni Hontiveros.
“Alam ng taumbayan na si Senator Risa ang ka-akbay nila sa laban para sa pagkakapantay-pantay, pananagutan, at mabuting pamamamahala. Siya ang nakabisto kay Alice Guo, ang lumaban sa Pastillas Scam, at nangunang nagpasara sa mga POGO at Scam Hubs sa Pilipinas,” saad ng Akbayan.
Dagdag pa nila, “Malinaw ang paninidigan ni Senator Risa at ng Akbayan—isang lipunang malaya sa mga kurap at political dynasties. Malinaw ang track record ni Senator Risa at ng Akbayan—walang bahid ng kurapsyon.”
Matatandaang naglabas ng "resibo" ang broadcast-journalist na si Anthony Taberna kaugnay sa naisiwalat niyang may insertions o amyenda rin si Hontiveros sa national budget, batay sa 2025 General Appropriations Act (GAA).
Maki-Balita: 'Insertion ni Senator Risa Hontiveros, merong resibo!'—Anthony Taberna
Ngunit iginiit ni Hontiveros na dumaan umano sa tamang proses at aprubado sa Senado ang lahat ng kaniyang iminungkahing amyenda sa budget.
Maki-Balita: Sen. Risa iginiit na dumaan sa tamang proseso, aprubado sa Senado lahat ng iminungkahing amyenda sa budget
Samantala, nauna nang katigan ng Liberal Party (LP) ang senadora kaugnay sa isyung ito.
Maki-Balita: Liberal Party, inalmahan paninira laban kay Sen. Risa