December 15, 2025

Home BALITA

Aftershocks ng lindol sa Cebu, posibleng tumagal pa sa darating na mga linggo, buwan—Phivolcs

Aftershocks ng lindol sa Cebu, posibleng tumagal pa sa darating na mga linggo, buwan—Phivolcs
Photo courtesy: PHIVOLCS-DOST (FB),BALITA FILE PHOTO

Ibinahagi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na maaari pa umanong tumagal ang mga nangyayaring aftershocks na idinulot ng lindol, partikular sa Northern Cebu, sa loob ng dalawang linggo hanggang sa isang buwan. 

Ayon ito sa naging panayaman ng People's Television Network (PTV) kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol nitong Lunes, Oktubre 6, 2025. 

Inihayag ni Bacolcol sa nasabing panayam na nakapagtala na umano ang ahensya nila ng aabot sa mahigit 7000 libong aftershocks ang naganap sa pinangyarihan ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu. 

“As of 10:00 a.m. today, nakapagtala na po ang aming tanggapin ng 7,092 aftershocks mula sa magnitude 6.9 offshore earthquake noong September 30,” pagsisimula ni director. 

National

'Nandito si Mama, naghihintay sa 'yo!' Nanay ng nawawalang bride-to-be, nanawagang maibalik nang maayos ang anak

“Out of these 7,092 aftershocks, 31 ang naramdaman ng mga residente at ang lakas ng mga aftershocks ay nasa pagitan ng magnitude 1.0 to magnitude 5.1”

“So karamihan dito ay mahihina lang at hindi naramdaman ng mga tao pero patuloy pa rin ang ating monitoring[...]” paglilinaw pa ni Bacolcol. 

Ayon kay Bacolcol, normal lang umano na may mangyaring aftershocks matapos ang malakas isang lindol at maaari pa umanong tumagal. 

“Normal po na may aftershocks pagkatapos po ng malakas na lindol at puwede po itong tumagal ng ilang linggo o buwan,” anang director. 

Paglilinaw naman ni Bacolcol, humihina naman umano ang mga aftershocks ng isang lindol habang lumilipas ang panahon. 

“Habang tumatagal naman, pahina nang pahina ang mga ito habang bumababa ang stress sa fault. Lumiit ‘yong numbers natin at humihina din ‘yong lakas ng mga aftershocks,” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang isa sa mga tinitingnang sanhi sa naganap na trahedya ng nasabing lindol sa Cebu noong Martes ng gabi, Setyembre 30, ay ang offshore fault na hindi umano gumalaw sa loob ng 400 na taon. 

MAKI-BALITA: Lindol sa Cebu, posibleng mula sa fault na hindi gumalaw nang 400 taon

Ayon ito sa ibinahaging pahayag ni Winchelle Sevilla, hepe ng Phivolcs, Seismology Division, noong Oktubre 1, 2025, sa ABS-CBN News Channel (ANC).

Pagpapaliwanag ni Sevilla, isang napakalakas na lindol umano ang magnitude 6.9 na nangyari sa Cebu ayon sa naobserbahan ng kanilang ahensya.

Ayon kay Sevilla, posible umanong naging sanhi ng ganoong kalakas na lindol na nangyari sa Cebu ang isang fault sa nasabing lugar na hindi gumalaw sa loob ng 400 taon. 

“Itong lugar kung saan nag-occur ‘yong earthquake, kung titingnan natin ‘yong earthquake catalogue natin, at least in the last 400 years, hindi ito nakaka-experience ng ganyan kalakas na earthquake. Ibig sabihin, ‘yong fault na gumalaw, hindi po siya ganon kadalas ang kaniyang paggalaw[...]” saad noon ni Sevilla.

MAKI-BALITA: Mahigit 30 sinkholes, lumitaw sa isang bayan sa Cebu

Mc Vincent Mirabuna/Balita