December 12, 2025

Home BALITA National

VP Sara, sinaluduhan mga 'dakilang guro' sa World Teachers' Day

VP Sara, sinaluduhan mga 'dakilang guro' sa World Teachers' Day
Photo courtesy: Inday Sara Duterte/FB


Nagpaabot ng mainit na pagsaludo at pagbati si Vice President Sara Duterte sa lahat ng mga kaguruan, bilang paggunita sa “World Teachers’ Day” ngayong Linggo, Oktubre 5.

Ibinahagi ni VP Sara sa kaniyang Facebook post nitong Linggo, Oktubre 5, ang pagkilala nito sa papel na ginagampanan ng mga guro sa buhay ng mga kabataan at sambayanan.

“Isang mainit na pagsaludo sa lahat ng ating mga dakilang guro ngayong World Teachers’ Day! Sa araw na ito, ating kinikilala ang mahalagang papel na ginagampanan ng ating mga guro sa pagtaguyod ng matatag na sambayanan at maliwanag na kinabukasan para sa ating mga kabataan,” ani VP Sara.

“Hindi lingid sa amin ang sakripisyo na inyong ginugugol upang hubugin ang kanilang kakayahan, dunong, at pundasyon ng kanilang pagpapahalaga at pagkatao. Ngayon, kaming lahat ay nagbibigay-pugay sa inyong malaking kontribusyon sa pag-unlad ng inyong propesyon at sa pagsulong ng potensyal at kasanayan ng mga kabataang Pilipino,” dagdag pa niya.

Inilahad din ng Bise Presidente ang kaniyang hangaring maabot ng mga kaguruan ang tagumpay sa buhay, pati na rin ang pakikiisa sa mithiin ng mga ito para sa bayan.

“Hangad namin ang inyong patuloy na tagumpay, kalakasan at kalusugan, at nakikiisa kami sa inyong mga mithiin para sa kapakanan ng ating kabataan at bayan. Nawa’y magsilbi pa kayong inspirasyon sa mas marami pang kabataan, habang inyong buong sigasig na nilalakbay ang daan tungo sa ating nagkakaisang hangarin para sa isang matatag na Pilipinas,” anang Bise Presidente.

Dagdag pa niya, “Maraming salamat sa aming mga guro. Mabuhay kayong lahat! Mahalin natin ang Pilipinas—para sa Diyos, sa Bayan, at sa bawat Pamilyang Pilipino.”

Matatandaang nangungkulan bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) si VP Sara noong Hunyo 19, 2022, hanggang siya ay bumaba sa puwesto noong Hunyo 19, 2024. 

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, kinondenang ‘complete failure’ siya bilang kalihim ng DepEd-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA