December 12, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Teacher-contestant nasambit salitang pekp*k sa It's Showtime; Vice Ganda, 'Sorry sa MTRCB!'

Teacher-contestant nasambit salitang pekp*k sa It's Showtime; Vice Ganda, 'Sorry sa MTRCB!'
Photo courtesy: Screenshot from It's Showtime/MTRCB

Naging maagap sa pagsita si Unkabogable Star Vice Ganda sa isang teacher-contestant ng segment na "Laro Laro Pick" ng noontime show na "It's Showtime" matapos mabigkas ang maselang bahagi ng katawan ng babae, sa Saturday episode, Oktubre 4.

Mga guro kasi ang inimbitahang contestant sa nabanggit na segment, para sa pagdiriwang ng World Teachers' Day.

Habang kinakapanayam ni Vice Ganda ang gurong nakapasok sa final round, hindi napigilan ng contestant na masambit ang deskripsyon ng shorts na kaniyang isinusuot sa tuwing papasok sa paaralan, na aniya ay binabaha rin.

“Malalim din po ang baha doon, to the extent na pumapasok ako, nakapekpek shorts," saad ng guro.

Tsika at Intriga

'The truth is out!' Claudine proud sis, wala si Gretchen sa listahan ng DOJ

Mabilis naman siyang sinaway ni Vice, “Ay, Ma’am sorry po, hindi po natin puwede banggitin ‘yon sorry po!”

Agad din namang humingi ng paumanhin ang guro nang ma-realize niya ang nasabi niya habang live sa national television. “Sorry po. Naka-maikli. Yan!”

Natatawang sabi na lang ni Meme, “Sa teacher pa talaga nanggaling 'yong term na ‘yon!!!"

Maririnig din naman ang pagso-sorry ng co-hosts na sina Vhong Navarro at Jhong Hilario sa madlang people at manonood.

"Miss Lala, sorry po. Sorry sa MTRCB. Sa lahat po ng mga kumakain, sa lahat ng mga nanonood, sorry po, nabigla lang. Masyado lang po kami naging komportable sa isa't isa. Very sorry," sundot pa ni Vice Ganda.

"Sorry po, naka-shorts lang po talaga," hingi naman ng paumanhin ng guro. 

"Maiksing-maiksing shorts," paglilinaw naman ni Vice Ganda. 

Nagbiro pa si Vice na hindi raw niya inaasahang "magkakaproblema" sila sa contestant na teacher.

Si Miss Lala na binanggit ni Vice Ganda ay si Lala Sotto Antonio, na siya pa ring chairman ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB na nagmo-monitor sa mga palabas sa sinehan at telebisyon, at nagka-classify sa rating nito.

Matatandaang nasuspinde na ang noontime show noong 2023 matapos ang kontrobersyal na pagkain ng icing ng cake nina Vice Ganda at partner na si Ion Perez, sa segment naman ng "Isip Bata."

KAUGNAY NA BALITA: 'Due process' ng MTRCB sa suspension ng It's Showtime, idinetalye

Well, ganiyan talaga kapag live ang isang show, hindi talaga naiiwasan ang mga ganitong pagkakamali.

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang MTRCB tungkol dito.