Nagbigay ng paglilinaw ang dating kongresista at kasalukuyang Pangulo ng Liberal Party (LP) na si Atty. Erin Tañada kaugnay sa pagkakaiba ng “insertions” at “amendments.”
Sa X post ni Tañada nitong Linggo, Oktubre 5, sinabi niyang ang “amendments” umano ay inaaprubahan sa plenaryo samantalang ginagawa naman ang “insertions” sa labas ng regular na lehislasyon.
Aniya, “Amendments are approved in plenary after following the regular process of legislation. Amendments may be approved or rejected.”
“Insertions are done outside the regular process of legislation. It is not approved in plenary,” dugtong pa ni Tañada.
Matatandaang naging usap-usapan kamakailan ang “insertions” at “amendments” matapos maglabas ng "resibo" ang broadcast-journalist na si Anthony Taberna kaugnay sa naisiwalat niyang may insertions o amyenda rin si Senador Risa Hontiveros sa national budget, batay sa 2025 General Appropriations Act (GAA).
Maki-Balita: 'Insertion ni Senator Risa Hontiveros, merong resibo!'—Anthony Taberna
Ngunit iginiit ni Hontiveros na dumaan umano sa tamang proses at aprubado sa Senado ang lahat ng kaniyang iminungkahing amyenda sa budget.
Maki-Balita: Sen. Risa iginiit na dumaan sa tamang proseso, aprubado sa Senado lahat ng iminungkahing amyenda sa budget
Samantala, dinepensahan na ng LP ang senadora mula sa mga paninirang ibinabato rito.
Maki-Balita: Liberal Party, inalmahan paninira laban kay Sen. Risa