Iginiit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang halaga ng pagsunod sa batas pagdating sa pagpapanagot sa anomalya sa likod ng flood control projects.
Sa teaser ng PBBM Podcast nitong Linggo, Oktubre 5, sinabi niya ang posibleng konsekuwensiya kung mamadaliin at hindi ilalagay sa tamang proseso ang pagpapanagot sa mga sangkot sa talamak ng katiwalian.
“Look, anong mangyayari? Minadali natin, hindi kumpleto ang ebidensiya natin, malabo ang ebidensiya natin, pero pinilit natin. Natalo 'yong kaso. Can you imagine? I think that will be much, much, much worse,” saad ni Marcos, Jr.
Dagdag pa ng Pangulo, “We have to follow the law; otherwise, whatever we do is not legitimate. And we have to be very, very clear that we go after the guilty ones.”
Matatandaang nauna nang sinabi ng Palasyo na kinakailangan umanong dumaan sa proseso ang imbestigasyon sa pagsugpo ng korupsiyon.
“Ang pag-iimbestiga po ay hindi po kailangang isang araw lang. Hindi po naniniwala ang Pangulo sa isang EJK style, walang imbestigahan, [at] libingan ang hantungan. Ang gusto ng Pangulo, due process. At hindi po lamang na puro salita or kaya pangako,” ani Palace Press Office Atty. Claire Castro.
Maki-Balita: 'Dating pangulo, umamin mismo na korap!' Castro, bumuwelta kay VP Sara sa 'mabagal' si PBBM kontra korapsyon