Inihayag ni Senate President Pro Tempore Sen. Panfilo "Ping" Lacson na kinokonsidera niyang magbitiw sa kaniyang posisyon bilang Blue Ribbon Committee Chairman.
Sa isang radio interview nitong Linggo, Oktubre 5, 2025, iginiit niyang nakahanda na raw siyang magbitiw sa puwesto bunsod umano ng kaniyang mga kapuwa senador.
"Kung nagkukulang na ng pagtitiwala ang aking kasamahan, especially kung mas marami sa kanila, hindi na masaya sa pagha-handle sa akin sa blue ribbon, naisip ko na maybe stepping down is an option," ani Lacson.
Iginiit ni Lacson na tila may mga pahiwatig daw kasi ang ilang mga sendor, kung kaya't kinokonsidera niyang magsumite na lamang daw ng resignation sa pinamumunuan niyang komite.
"Dahil sa mga naririnig ko na pahiwatig ng aking mga kasamahan eh isa sa mga konsiderasyon ko, mag-move o mag-submit na lang ng aking resignation bilang chairperson at humanap sila ng ibang puwede mag-chairman ng Blue Ribbon committee," saad ni Lascon.
Matatandaang noong Sabado nang pansamantalang suspendihin ng Senado ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.
Sa pamamagitan ng text message sa media nitong Sabado, Oktubre 4, 2025, iginiit ni Sotto na kinausap umano siya ni Sen. Win Gatchalian para sa naturang suspensyon.
Kaugnay nito, kinumpirma din niya ang pagpapatuloy ng legislative proposals sa pamamagitan ng executive sessions.
“Once we agree on the proposals, we will put it on the floor,” ani Sotto.
KAUGNAY NA BALITA: Senado, pansamantalang sinuspinde pagdinig sa isyu ng flood control projects