Iginiit ni Sen. Imee Marcos na nakatakda na raw maideklarang susunod na Ombudsman si Department of Justice (DOJ) Sec. Jesus Crispin Remulla sa Lunes, Oktubre 6, 2025.
Sa kaniyang pahayag nitong Linggo, Oktubre 5, iginiit ng senadora na tila nananatili pa rin umanong kulay itim ang kulay ng bayan.
"Sa Lunes, nakatakdang hirangin si Boying Remulla bilang Ombudsman," ani Sen. Imee.
Dagdag pa niya, "Tunay ngang kulay itim pa rin ang kulay ng bayan;
nagluluksa, nababalutan ng pangamba at kawalan ng pag-asa —
sapagkat ang huling bantayog ng pananagutan ay pinilit wasakin ng pulitika at kalapastanganan sa Konstitusyon."
Tinawag din niyang sapilitan ang pagtatalaga umano kay Remulla na hindi raw karapat-dapat dahil sa nakabinbin niyang kaso.
"Isang sapilitang pagtatalaga ng taong hindi karapat-dapat, may mga nakabinbin na kaso at may bahid ng kawalang-hustisya," anang senadora.
Matatandaang noong nakaraang buwan ng Setyembre lang ng kumalat sa social media ang isa umanong kopya ng desisyon ng Ombudsman na nagbabasura sa kaso nina Remulla na isinampa ni Marcos.
Batay sa nagkalat na kopya na mula umano sa Ombudsman mababasa ang listahan ng mga opisyal na sina Justice Secretary Boying Remulla, Interior and Local Government Sec. Jonvic Remulla, dating Police Chief Francisco Marbil, dating Police Chief Nicolas Torre, Special Envoy Transnational Crime Markus Lacanilao, Richard Fadullon, Prosecutor General at Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty.
Noong Mayo 2025 nang tuluyang magsampa ng reklamo sa Ombudsman si Sen. Imee laban sa nasabing mga opisyal kabilang si Justice Secretary Remulla na nagsumite rin ng aplikasyon sa pagka-Ombudsman.
KAUGNAY NA BALITA: DOJ Sec. Remulla, inaasam posisyon sa Ombudsman: 'I have a lot to offer there!'
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee, inireklamo 5 top gov’t officials na sangkot sa pag-aresto kay FPRRD