Kilig ang dulot ng Teachers’ Month Celebration sa isang MAPEH teacher mula sa Calbiga National High School sa Samara.
Sa latest Facebook post ni Sir Ronnie June Solayao noong Sabado, Oktubre 3, mapapanood ang video ng pagsupresa ng partner niyang si Tobi Aguilar sa kaniya sa mismong classroom habang nagsisigawan sa kilig ang mga estudyante.
“Thank you so much for the surprise. Kahit na may hindi magandang nangyari, pinapakita mo talaga ang magandang pagbabago at hindi ka sumusuko!” saad ni Sir Ronnie sa caption ng post.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Sir Ronnie, sinabi niyang may tampuhan umano sila ni Tobi noong araw na sinurpresa siya nito.
“Actually po mayro’n po kasi kaming hindi pagkakaunawaan at tampuhan. Kaya na-surprise po ako kahapon [Teachers’ Day] no’ng dumating siya at may dalang bouquet. Siyempre super kilig,” lahad ni Sir Ronnie.
Ayon sa kaniya, bilang guro sa pampublikong paaralan, napakahalaga raw na may katuwang siya sa buhay sa katauhan ni Tobi.
“Sa tulad ko pong guro na stress, pagod sa trabaho, and everything, siyempre napakahalaga ng may partner or katuwang sa buhay dahil siya [ang] nagbibigay ng inspiration sa araw-araw na trabaho ko kahit pagod sa paaralan. Ang sarap sa feeling na alam mong may nagmamahal,” ani Sir Ronnie.
Sa kasalukuyan, apat na taon na silang magkarelasyon ni Tobi. At nakatakda silang magdiwang ng kanilang ikalimang anibersaryo sa darating na Oktubre 23.