Hindi madali ang maging guro, araw-araw nilang hinaharap ang iba’t ibang hamon sa loob at labas ng silid-aralan. Ngunit sa likod ng kanilang pagiging masipag at matiyaga, may isa pang katangiang tunay na hinahangaan: ang kanilang paraan ng magmahal.
Kung iniisip mong kakaiba ang karanasang makarelasyon ang isang teacher, tama ka, dahil sa kanila, matututuhan mong ang pagmamahal ay may kasamang pasensya, pag-unawa, at inspirasyon.
Hindi bilang pangalawang magulang ang pinag-uusapan dito ha, kundi pagiging lover o partner!
Sabi nga raw, marami sa mga guro ang hindi na nakatagpo ng kanilang mapapangasawa o hindi na nahanap ang kanilang poreber, pero kung minahal ka o nagmahal ka ng isang Ma'am o Sir, para ka na rin daw naka-jackpot!
Batay sa pagtatanong-tanong ng Balita sa ilang mga guro para sa pagdiriwang ng World Teachers' Day, narito ang ilan sa mga nakikitang dahilan para magmahal ng isang guro:
1. Mahaba ang pasensya
Sanay raw silang humarap sa iba’t ibang klase ng mag-aaral araw-araw, kaya natural na sa kanila ang mahabang pasensya, lalo na sa relasyon.
2. Magaling magpaliwanag
Kung may hindi ka maintindihan, marunong daw silang magpaliwanag nang malinaw at mahinahon. Sa love life, laging may oras para magpaliwanag at makinig.
3. May malasakit
Sabi nga, ang pagiging guro ay hindi lamang trabaho kundi bokasyon. Kung paano sila nagmamalasakit sa kanilang mga mag-aral at co-teachers, ganoon din sila magmahal.
4. Magaling sa time management
Kayang-kaya nilang mag-manage at magbalanse ng oras para sa klase, paggawa ng iba't ibang tasks sa paaralan, at maging sa personal na buhay. Kaya asahan daw na marunong silang maglaan ng panahon para sa iyo.
5. Matibay ang loob
Kahit gaano kahirap ang hamon, tuloy-tuloy silang lumalaban. Sa dami ba naman ng pinagagawa sa kanila ng school heads, na minsan nga, hindi nila alam na magagawa nila, pero nagagawa pa rin nila! Ang resilience nila bilang guro ay nagiging lakas din sa relasyon.
6. May malalim na pang-unawa
Marunong silang umintindi ng iba’t ibang sitwasyon at personalidad. Kaya’t sa pagmamahalan, laging may puwang para sa pang-unawa at pagtanggap.
7. Malikhain
Kung kaya niyang ituro sa malikhaing paraan ang kaniyang mga aralin tuwing talakayan sa pamamagitan ng iba't ibang estratehiya at teknik, tiyak na magiging malikhain din siya sa pagpaparamdam ng pagkalinga at pagmamahal, lalo na sa tuwing may pagdiriwang kayo gaya ng monthsary, anniversary, o kahit sa Valentine's Day!
8. Inspirasyon sa araw-araw
Sabi nga sa isang matandang kasabihan, " A teacher affects eternity. No one knows when his/her influence stops." Kapag sila raw ang minahal mo, laging may "cheerleader" at taga-push para abutin ang mga pangarap.
Kaya kung teacher ang minahal mo, jackpot ka, dahil sa kanila, matututuhan mong ang pagmamahal ay hindi lang basta nararamdaman, kundi itinuturo at ipinakikita araw-araw.
Happy World Teachers' Day!