December 20, 2025

Home BALITA

1,000 'damaged classrooms,' minamatahang ikumpuni ng DPWH sa looob ng 2 buwan

1,000 'damaged classrooms,' minamatahang ikumpuni ng DPWH sa looob ng 2 buwan
Photo courtesy: via DepEd

Target ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagsasaayos ng higit 1,000 silid-aralan na nasira ng Bagyong Opong sa Masbate sa loob ng dalawang buwan.

“Mahigit 1,000 classrooms ‘yong nasira (sa Masbate). Marami doon halos total ‘yong damage,” ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Linggo, Oktubre 5, 2025.

Dagdag pa niya, “Ang deadline na sine-set natin is hopefully, within two months matapos natin lahat ‘yong mga nasira.”

Matatandaang tumama si Opong sa Masbate noong Setyembre 27, na nagdulot ng matinding pinsala sa imprastruktura at nag-iwan ng libo-libong pamilyang apektado. Idineklara ang lalawigan sa ilalim ng state of calamity kinabukasan.

‘Prayers for your success!’ De Lima, binati si Torre matapos italagang MMDA General Manager

Samantala, naglunsad ang Department of Education (DepEd) ng rapid response operations para suportahan ang mga paaralan at komunidad na naapektuhan ng magkakasunod na kalamidad, kabilang ang pananalasa ng mga bagyong Nando at Opong, at ang lindol na tumama sa Bogo City, Cebu.

Kaugnay nito, matatandaang noong Oktubre nang ihayag ng DepEd na tinatayang aabutin pa raw ng isang buwan bago tuluyang maibalik ang mga klase sa Cebu.

“Ang tantsa mga 30 days talaga bago maka-restore (school operations) depende sa bilis ng construction,” ani DepEd Undersecretary for Operations Malcolm Garma.

Sa Bogo City na sentro ng lindol, tinatayang nasa 38 paaralan daw ang lubhang naapektuhan ng lindol.

“Kung sa Bogo City, mayroon tayong 38 schools doon. We are still undergoing assessment kasi hindi natin mapuntahan or hindi maka-assess pa dahil may aftershocks pa roon,” saad ni Garma.

KAUGNAY NA BALITA: Pagbabalik ng klase sa Cebu, aabutin ng isang buwan—DepEd