Ipinanawagan ni Unkabogable Star at "It's Showtime" host Vice Ganda na nawa ay pakinggan ng pamahalaan ang mga guro sa pamamagitan ng pagtataas sa kanilang mga suweldo, dahil sa kanilang dedikasyon at serbisyo sa pagtuturo.
Sa "Laro Laro Pick" segment ng noontime show, Sabado, Oktubre 4, nagsilbing contestants nila ang mga guro kaugnay ng pagdiriwang para sa World Teachers' Day, na gugunitain sa Linggo, Oktubre 5.
Sa panayam ni Vice Ganda at iba pang co-hosts sa isang kindergarten teacher, bagama't masarap daw sa pakiramdam na makatulong at mapasalamatan ng mga mag-aaral na naturuan, naniniwala pa rin si Vice Ganda na hindi ito dapat "i-romanticize" o pagandahin, at sa huli, hindi naman naibibigay ang nararapat at deserve na suweldo para sa mga guro.
Naniniwala si Vice Ganda na ang pagiging guro ay pagiging kapamilya rin ng mga mag-aaral.
"Pero, kailangan kayong ituring nang mas disente, bigyan ng mas disenteng kompensasyon o sahod, kasi baka kung lagi nating sinasabi... 'yan 'yong sinasabi natin na 'Puwede na 'to kasi... hindi nabibigyang importansya or inaabuso. Naaabuso ang resilience ng mga Pilipino..." aniya.
"Kailangang swelduhan ng mataas ang mga guro!" giit pa ng TV host.
"Kaya po mababa ang suweldo n'yo kasi ninakawan kayo," aniya pa.
Noong Biyernes, Oktubre 3, ilang mga guro at grupo ang nagkasa ng kilos-protesta upang ipanawagan ang teacher's salary hike, kasabay sa paggunita sa Teachers' Day.
Kinondena ng mga nagmartsa ang administrasyong Marcos at mga opisyal ng Department of Education (DepEd) hinggil sa matagal nang mga isyu kaugnay ng sahod, workload, at budget sa edukasyon, kasabay ng kanilang galit sa pagwaldas ng pondo ng bayan dahil sa korapsyon na sangkot sa kasalukuyang eskandalo ng maanomalyang flood control projects.