January 26, 2026

Home BALITA

SK officials na naka-kumpleto ng termino, sokpa na sa civil service

SK officials na naka-kumpleto ng termino, sokpa na sa civil service

Inaprubahan ng Civil Service Commission (CSC) ang pagbibigay ng civil service eligibility sa mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) na nakatapos ng kanilang buong termino, na magbibigay-daan sa kanila na makapagtrabaho sa pamahalaan.

Ayon kay CSC Chairperson Marilyn Yap, layunin ng hakbang na kilalanin ang pagsisikap ng mga kabataang lider at bigyan sila ng pagkakataong ipagpatuloy ang paglilingkod publiko lampas sa kanilang barangay.

“Ang pribilehiyong ito, na eksklusibong iginagawad sa mga halal at itinalagang opisyal ng SK, ay kumikilala sa mahalagang papel ng kabataan sa nation-building at nagpapatibay sa kanilang kontribusyon sa paglilingkod-bayan,” ani Yap.

Sa ilalim ng CSC Resolution No. 2500752 na inilabas noong Hulyo 24, 2025, maaaring mag-qualify para sa Sangguniang Kabataan Official Eligibility (SKOE) ang mga SK official na nakapagsilbi ng tatlong taong buong termino.

National

Ogie Diaz, pinalagan sinabi ni Greco Belgica na hayaan mga 'tunay na lalaki' sa gobyerno

Saklaw nito ang mga miyembro ng SK na nahalal ng Katipunan ng Kabataan, gayundin ang mga kalihim at ingat-yaman na hinirang ng SK chairperson at inaprubahan ng nakararaming miyembro.

Hindi kasama sa SKOE ang mga SK chairperson dahil saklaw na sila ng Barangay Official Eligibility (BOE), na naaangkop sa mga kapitan ng barangay, miyembro ng Sangguniang Barangay, SK chairperson, at mga itinalagang kalihim at ingat-yaman ng barangay na nakatapos ng termino.

“Sa pamamagitan ng SKOE, binibigyan natin ng kapangyarihan ang mga kabataang lider na makapagpatuloy ng karera sa gobyerno at maipagpatuloy ang kanilang paglilingkod sa sambayanang Pilipino,” dagdag ni Yap.

Nilinaw ng CSC na tanging mga SK official na walang kamag-anak hanggang ikalawang antas ng consanguinity o affinity sa kasalukuyang halal na opisyal sa kanilang lokalidad ang maaaring pagkalooban ng eligibility.

Simula Oktubre 4 ay maaaring magsumite ng aplikasyon para sa SKOE sa CSC regional o field office na nakasasakop sa barangay ng aplikante.

Nagbabala ang komisyon na maaaring bawiin ang eligibility kung mapatunayang hindi kwalipikado ang aplikante o lumabag sa umiiral na mga panuntunan.