Inihayag ng Department of Education na aabutin ng isang buwan bago muling mabuksan ang klase sa Cebu, matapos ang pagtama ng magnitude 6.9 na lindol.
Sa isang radio interview noong Biyernes, Oktubre 3, 2025, iginiit ni DepEd Undersecretary for Operations Malcolm Garma na nakadepende raw sa bilis ng konstruksyon ang pagbabalik ng mga klase.
“Ang tantsa mga 30 days talaga bago maka-restore (school operations) depende sa bilis ng construction,” ani Garma.
Sa Bogo City na sentro ng lindol, tinatayang nasa 38 paaralan daw ang lubhang naapektuhan ng lindol.
“Kung sa Bogo City, mayroon tayong 38 schools doon. We are still undergoing assessment kasi hindi natin mapuntahan or hindi maka-assess pa dahil may aftershocks pa roon,” saad ni Garma.
Dagdag pa niya, “Definitely, ‘yung 38 (Bogo City) schools natin could have sustained damages talaga.”
Ayon pa kay Garma, pawang ang Regions 5, 6 and 7 ang may pinakamaraming eskuwelahan na nagtamo ng “major damage.”
“Yung kabuuan nung lahat ng naapektuhan ng lindol kasama na diyan yung Region 5, 6, 7 at of course 7...sa ngayon, mayroon na tayong naitala na mga 5,587 na classrooms na major damage talaga,” giit ni Garma.
Iginiit din ni Garma na nakatakda na raw munang magpatupad ng home-based learning ang DepEd para sa lahat ng mga estudyanteng naapektuhan ng lindol.
Aniya, “Magho-homebased muna tayo at handa naman ang ating mga field offices. Naka-preposition yung kanilang modules.”