January 25, 2026

Home BALITA

Lalaki, arestado matapos molestiyahin paslit na nagmasahe sa kaniya

Lalaki, arestado matapos molestiyahin paslit na nagmasahe sa kaniya
Photo courtesy: Pexels

Arestado ang isang 38-anyos na lalaki  matapos umano niyang molestiyahin ang isang 10-anyos na bata na kaniyang inutusan na magmasahe sa kaniya sa Pasig City.

Ayon sa mga awtoridad, nilinlang umano ng suspek ang biktima na magmasahe sa kaniya kapalit ng ₱20.

Kinilala ng Eastern Police District (EPD) ang suspek bilang si “Ondoy.” Agad siyang naaresto matapos isumbong ng biktima ang insidente sa kaniyang pamilya at sa Pasig City Police Station.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, inimbitahan ng kaibigan ng biktima ang bata sa bahay ng suspek sa Barangay Pinagbuhatan noong Setyembre 30. Doon siya pinakiusapang magmasahe kapalit ng ₱20.

2 dambuhalang sawa, nahuli sa kisame ng magkaibang bahay, 1 sa kanila, nakalunok ng tuta!

Ayon sa mga awtoridad, nanonood umano ng malalaswang video ang suspek habang minamasahe siya ng biktima. 

Upang maisagawa ang kahalayan, pinapunta umano ng suspek sa tindahan ang kaibigan ng biktima upang bumili ng meryenda.

Sinubukan sanang sumama ng biktima sa kaniyang kaibigan ngunit pinigilan siya ng suspek at isinara ang pinto, kung saan umano nagsimula itong mambastos.

Nakatakas ang bata at agad na nagsumbong sa kaniyang pamilya at sa pulisya, na nagresulta sa agarang pagkakaaresto ng suspek.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya siya ng Pasig City Police Station at haharap sa kaukulang kaso sa Pasig City Prosecutor’s Office.