Naranasan mo na bang manalangin para sa iyong bayan?
Bukod sa mga hangarin para sa sarili, pamilya, at komunidad, mahalaga rin na isama sa panalangin ang bansa at mga lider na namumuno rito dahil isa sa mga pangako ng Panginoon ay ang pagpapala ng buong bayan kung ang mga tao rito’y nananalig sa Kaniya.
Sa kasalukuyan, ang ating bansa ay kumakaharap sa mga pagsubok dala ng sunod-sunod na sakuna, isyu ng korapsyon, at mga tiwaling lider.
Wala man sa atin ang nakaaalam ng mga susunod pang mangyayari, ngunit ang proteksyon, pagbangon, at pagpapala ay nananatiling tiyak sa Panginoon.
“Pagpapalain niya ang inyong mga kamalig at lahat ng inyong gawain; pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Tulad ng pangako ni Yahweh, kayo'y gagawin niyang isang bansang matatag at nakalaan sa kanya kung susundin ninyo siya at tutuparin ang kanyang mga tuntunin. Sa ganoon makikita ng lahat ng bansa na kayo'y kanyang bayan.” - Deuteronomio 28:8-10
Bilang Kristiyano, isa sa gampanin natin sa bansa ay ang pagiging mabuting mamamayan sa pamamagitan ng isang buhay na tapat, payapa, at maka-Diyos.
“Idalangin rin ninyo ang mga hari at maykapangyarihan, upang tayo'y makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal.” - 1 Timoteo 2:2
Dahil ang bayan na Siya ang Panginoon ay mayroong tiyak na pagpapala kahit na nasa harap ng mga kalamidad at pagsubok. Siya rin ay palaging nakaantabay sa ating pagtawag sa oras ng pangangailangan.
Sean Antonio/BALITA