Nagbigay ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng ₱11 milyon upang tulungan ang mahigit 1,500 manggagawang naapektuhan ng magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Cebu noong Setyembre 30, 2025.
Ang nasabing ayuda ay ipamamahagi sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na agad na magbigay ng suporta sa mga Pilipinong tinatamaan ng kalamidad.
Tinatayang nasa kabuuang 1,513 manggagawa ang makikinabang sa programa sa mga lugar na tinamaan ng lindol, kung saan 862 ay mula sa Cebu City. Tig-163 naman ang mula sa San Remigio, Medellin, at Bogo City—na siyang epicenter ng lindol—habang tig-81 ang mula sa Sogod at Daan-Bantayan.
Dagdag pa rito, 400 manggagawa mula Medellin at Tabogon ang tatanggap ng sahod na aabot sa ₱2,004,000 sa ilalim ng TUPAD bilang agarang tulong pinansyal habang nagpapatuloy ang mga hakbang sa rehabilitasyon.
Ayon kay DOLE Central Visayas Regional Director Roy L. Buenafe, bibigyang-prayoridad ang mga nawalan ng trabaho, lalo na raw ang mula sa micro, small, at medium enterprises.
Dagdag pa niya, nagpadala na ng mga tauhan ang Cebu Provincial Office upang magsagawa ng profiling ng mga benepisyaryo at mag-monitor sa kalagayan sa lugar upang matiyak ang tuloy-tuloy na ayuda sa mga apektadong komunidad.
Matatandaang noong Martes, Setyembre 30 nang tumama ang nasabing lindol sa Bogo City, Cebu at iba pang karatig-lugar. Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, (PHIVOLCS) na umabot na sa mahigit 5,228 na aftershocks ang kanilang naitala, at inaasahang magpapatuloy pa raw ito sa mga susunod na araw.
“Inaasahan natin na magkakaroon pa ng mga aftershocks in the next few days. Sometimes the aftershocks would last for several weeks,” PHIVOLCS director Dr. Teresito Bacolcol.
KAUGNAY NA BALITA: Aftershocks sa Cebu, umabot na sa higit 5,000