Tila hindi na napigilan ni Kapuso star Alden Richards ang gigil niya patungkol sa isyu ng korapsyon at anomalya, matapos ibahagi ang isang art card patungkol sa kontrobersiyal at nagbitiw na Ako Bicol party-list representative na si Zaldy Co.
Ibinahagi kasi ni Alden sa Instagram story ang isang art card na nagsasaad na umano'y nasa ₱35,240,000,000 worth of funds ang pina-insert ni Co sa national budget para sa flood control project sa Bulacan.
"Para maubos mo ang 1 billion in a year, you need to spend 2.8 million pesos per day," mababasa sa art card mula sa "Damdamin Pinas."
Dagdag pa, "Para maubos mo ang 35 billion in a year, you need to spend 98 million pesos per day."
Makikita sa art card ang larawan ng dating mambabatas na kasalukuyang nasa ibang bansa at hindi pa nahaharap ang mga akusasyon laban sa kaniya, sa alinmang hearing sa Kongreso.
Nilagyan naman ito ng simpleng text caption ni Alden na, "May araw ka rin."
Photo courtesy: Screenshot from Alden Richards/IG
Hindi ito ang unang beses na naglabas ng saloobin niya si Alden hinggil sa isyu ng korapsyon sa bansa.
Kamakailan lamang ay naging usap-usapan din ang pagbabahagi niya ng isang art card mula sa Linya-Linya, kung saan binigyan ng depinisyon ang salitang "Kuracaught."
Mababasa, "Corrupt na opisyal o indibidwal na huling-huli na sa ginagawang walang-habas na katiwalian at pangungurakot."
KAUGNAY NA BALITA: Alden may simpleng tirada, flinex ibig sabihin ng 'kuracaught'
Samantala, si Co ay nagbitiw bilang kongresista matapos ang pagkakasangkot sa isyu ng mga anomalya sa flood control projects.