January 05, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: 'Tatay' delivery rider na nasiraan ng bike at naglakad na lang, binaha ng tulong!

#BalitaExclusives: 'Tatay' delivery rider na nasiraan ng bike at naglakad na lang, binaha ng tulong!
Photo courtesy: Jeanyang Decena Pellegas/FB

Sa kasalukuyan, madalas na hindi napapansin ang mga indibidwal na walang kapaguran sa pagtatrabaho para lang may maihain sa hapag ng kanilang pamilya, sa pamamagitan ng marangal na gawain, at patuloy na lumalaban sa buhay.

Kinalugdan at kinaantigan ng mga netizen ang Facebook post ng netizen na si Jeanyang Decena Pellegas mula sa Parañaque, matapos niyang ibahagi ang engkuwentro niya sa isang may edad na delivery rider na naghatid ng kaniyang food order noong Oktubre 2.

Salaysay niya, gabi na at pagod siya nang mga sandaling iyon kaya’t nagdesisyon siyang magpa-deliver ng pagkain. Ang inaasahang 15 hanggang 20 minutong paghihintay ay nauwi sa mahigit isang oras at kalahati. Nang dumating sa wakas ang kaniyang order, tumambad sa kaniya si Tatay Roberto, isang senior citizen na delivery rider: pawisan, hinihingal, at halatang pagod.

"Then the rider finally arrived, it was tatay, sweating and out of breath. He asked, 'Ma’am, matagal ba ako?' I said, 'Medyo tay.' He replied 'Nasira kasi bike ko maam kaya mdyo natagalan at nilakad ko nalang, pasensya ka na.”

Human-Interest

ALAMIN: Gaano katagal bago mapanis mga hinandang pagkain noong holiday?

Sa simpleng palitang ito, nadurog ang puso ni Jeanyang. Aniya, sa edad na dapat ay nagpapahinga na, naroon si Tatay Roberto, kumakayod sa gitna ng dilim at pagod, upang patuloy na magtaguyod ng marangal na kabuhayan.

Habang ang ilan daw ay ninanakaw ang kaban ng bayan nang walang pakundangan, si Tatay Roberto nama’y pawis at lakas ang iniaalay kapalit ng barya at tipid na kita.

"My heart broke. At his age, he’s still working this hard late at night, while corrupt government officials and contractors steal money so easily without caring about those struggling below," aniya.

"Saludo sa lahat ng lumalaban nang patas! Saludo sa 'yo, tatay Roberto!" dagdag pa niya.

Matapos i-post ang tungkol dito, agad itong nag-viral hanggang sa marami ang nagpaabot ng tulong kay Tatay Roberto, na umabot na sa lagpas ₱60,000, na agad din niyang naipaabot.

Biyernes, Oktubre 3, sinabi ni Jeanyang na nagkita na sila ulit ni Tatay Roberto at ipinaabot sa kaniya ang tulong na ipinaabot ng mga netizen.

"Sabi niya, hindi niya akalaing may ganito karaming tao na handang mag-abot ng tulong at malasakit para sa kanya," kuwento ni Jeanyang.

"At hindi lang po iyon may nagpaabot din ng balitang magkakaroon na si Tatay ng motor at bisikleta, bagay na malaking tulong sa kanya sa araw-araw. Mayroon na rin pong mga tao na humingi ng contact number ni Tatay para personal nilang maipaabot ang kanilang tulong."

"At sa kabila ng hirap ng buhay, napatunayan po nating marami pa rin ang may pusong handang magbahagi," aniya pa.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Jeanyang, sinabi niyang patuloy raw na nagpapadala ang mga netizen ng tulong para kay Tatay Roberto Subito, gaya rin ng latest update niya as of Saturday, Oktubre 4.

"As of 1:35 PM, meron po tayo additional ₱23,515.07 para kay Tatay," aniya.

Makikipagkita raw ulit si Jeanyang kay Tatay Roberto sa Linggo, Oktubre 5, para ibigay nang personal ang mga ipinahahatid na tulong para sa kaniya mula sa mga netizen.

Nag-iwan naman siya ng mensahe sa lahat ng mga nagpabot ng tulong kay Tatay Roberto.

"Maraming salamat po sa lahat ng nagpaabot ng tulong at malasakit. Maraming salamat din po sa bawat isa na nagtiwala, nagbigay, at nakiisa."

"Sana po ipagpatuloy natin ang pagtulong sa kapwa, lalo na sa mga taong lubos na nangangailangan. Maliit man o malaki, basta galing sa puso malayo ang mararating."

Sa mga nagnanais na makausap nang personal ang delivery rider, maaaring makipag-ugnayan sa kaniyang Facebook account na "Roberto Subito."