Isa ang breast cancer sa mga pinakakaraniwang uri ng cancer sa bansa, at isa sa mga nangungunang sanhi ng pagkamatay ng maraming kababaihan dito.
Ayon sa tala ng Department of Health (DOH), may 33,079 bilang ng breast cancer sa bansa noong 2024.
Gayunpaman, ayon sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), Pilipinas ang isa sa mga bansang may mababang cancer screening rates sa mundo, dahil dito, mahigit-kumulang 32 milyon ang bilang ng mga Pinay na namamatay dahil sa breast cancer araw-araw.
Para maiwasan ang patuloy na paglobo ng mga kasong ito, narito ang ilang mga pangkaraniwang kuro-kuro tungkol sa breast cancer at ‘lifestyle change’ na puwedeng gawin para maingatan ang kalusugan mula rito:
1. Mga nakatatandang babae lamang ang puwedeng magkaroon ng breast cancer.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), habang karamihan ng kaso ng breast cancer ay nakikita sa kababaihan na nasa edad 50 pataas; ang pagkakaroon ng breast cancer ay puwede pa ring mangyari sa kahit na sino, sa kahit anong edad, at kasarian.
Sa dagdag na pag-aaral mula sa Breast Cancer Research Foundation (BCRF), ang kalalakihan ay maaari ding ma-diagnose ng breast cancer dahil sa kanilang pagkakaroon ng breast tissue.
Ayon sa CDC, ang ilan sa risk factors ng breast cancer sa kalalakihan ay ang:
- Family history ng breast cancer
- Pagsasailalim sa Radiation o Hormone therapy treatment
- Pagkakaroon ng sakit sa atay
- Overweight at obesity
- Genetic mutation (tulad ng BRCA1 at BRCA2)
2. Ang pagsusuot ng bra na may underwire ay nagdudulot ng breast cancer
Habang ang pagsusuot ng underwire bra ay hindi komportable sa pakiramdam, ayon sa MD Anderson Cancer Center, walang scientific theory ang nagpapatunay ng koneksyon nito sa breast cancer.
Dagdag pa rito, na habang ang breast cancer ay maaaring mabuo sa lower inner at outer quadrants ng suso, na mga parteng malapit sa kinalalagyan ng bra, ang sakit na nararamdaman mula sa pagtusok ng wire nito ay hindi nagiging sanhi ng breast cancer.
3. Lahat ng bukol sa suso ay sintomas ng breast cancer
Ayon sa National Breast Cancer Foundation, Inc., hindi lahat ng breast lump o bukol na makakapa sa suso ay cancerous.
Kadalasan, malalaman na ang bukol ay cancerous kung ito ay matigas o makapal, o kaya nama’y nakapalibot sa laman ng suso o sa bandang kilikili.
Mahalaga ring tandaan na puwede itong maramdaman sa isa o parehas na suso.
Gayunpaman, cancerous man ito o hindi, importante na maipacheck ito sa doktor.
Ayon din sa National Breast Cancer Foundation, Inc., inaabiso na pagtungtong ng edad 40, ang isang babae ay dapat sumailalim sa taunang Mammogram isang low-dose X-ray na ginagamit para tignan ang mga sintomas ng breast cancer, tumor, cysts.
Habang ang mga nasa edad 18 pataas ay inaabisuhan na sumailalim sa breast self-examination (BSE), isang buwanang home-based procedure na pagtingin kung mayroong mga pagbabago sa suso.
4. Ang pagkain ng matatamis ay nagdudulot ng mabilis na pagkalat ng breast cancer
Ayon sa BCRF, walang pag-aaral ang nagpapatunay sa paniniwalang ito.
Sa kabilang banda, ang pagkakaroon ng diet na mataas sa sugar, lalo na ang mga processed at refined sugar ay maaaring mag-uwi sa obesity at insulin resistance, na ilan sa risk factors ng breast cancer.
5. Ang breast cancer ay genetic o namamana
Habang isang risk factor ang pagkakaroon ng breast cancer sa family history ng isang indibidwal, ayon sa National Breast Cancer Foundation, Inc., 5 hanggang 10% lamang ng mga na-diagnose ng breast cancer ang mayroong family history nito.
Ngunit, kailangan pa ring tandaan na kung may kapamilya na na-diagnose ng sakit na ito, mahalaga na pumunta sa isang propesyonal para sa nararapat na check-up at preventive treatment.
Habang hindi tiyak na maaalis ng isang ‘lifestyle change’ ang posibilidad ng breast cancer dahil sa iba pang risk factors, ang pagkakaroon ng malusog na pangangatawan ay mas mapabababa ng breast cancer.
Ito ang ilan sa mga maaaring gawin para maiwasan ang breast cancer:
1. I-maintain ang pagkakaroon ng malusog at tamang timbang
Ang pagiging overweight o obese ay isa sa mga risk factor ng breast cancer. Sa pagkakaroon ng timbang na tugma sa pangangatawan, maiiwasan ang posibilidad ng breast cancer (Siteman Cancer Center).
2. Ugaliin ang pagkakaroon ng regular physical activities
Bukod sa pagiging mood booster, ang pag-eehersisyo ay makatutulong rin para mabantayan ang timbang at kondisyon ng katawan, na makapagpapababa rin ng posibilidad ng breast cancer (Siteman Cancer Center).
3. Pag-iwas sa paninigarilyo at pag-inom ng alcohol
Ayon pag-aaral ng breastcancer.org, ang alcohol ay nakapagpapataas ng posibilidad ng breast cancer sa pamamagitan ng pagsira nito sa DNA, na nagdudulot sa pagbuo ng tumor, at pagkasira ng mga protina at cells sa katawan.
Ayon naman sa CDC, ang mga lason sa sigarilyo ang nagdudulot para humina ang immune system ng katawan, na nagdudulot para humina ito sa pagpatay ng cancer cells.
4. Breastfeeding
Ang breastfeeding o pagpapasuso ay nakapagpapababa ng posibilidad ng breast cancer dahil ito nagdudulot ng mataas na turnover rate ng breast tissue, na nagdudulot para mabilis na mapalitan ang nasirang cells.
Sean Antonio/BALITA